HABANG malakas na malakas ang ulan noong isang araw, na nagdulot ng baha at matinding traffic sa Metro Manila, ang pinag-uusapan naman namin ay ang pagkilalang matagal na ngang dapat na nakuha ng yumaong comedy king na si Mang Dolphy.
Kung kailan wala na siya, at saka sinasabi ngayong napakalakas ng konsiderasyon para siya ay ideklarang isang national artist. Ang totoo, matagal na sana siyang nagawaran ng ganyang titulo, pero noon ewan nga ba kung sino pa ang tumutol dahil may nagawa raw siyang mga pelikulang discriminating sa mga bakla. Pero ngayon mukhang mas marami sa kanila ang naniniwalang dapat na ngang parangalan ang yumaong comedy king.
Aba dapat naman pag-aralan nilang mabuti iyan. Ang isang national artist ay dapat na nagbibigay ng karangalan sa bansa, hindi iyong naghahatid pa sa atin ng kahihiyan. Wala kaming tinutukoy na kahit na sino ha, pero kung ang idedeklara naman nilang national artist kahit na mahusay pa siya ay wala namang katayuang igagalang, baka magreklamo na naman ang mga naunang national artists niyan. Isipin ninyo kung mahahaluan nga naman sila ng isang kahihiyan ng bayan. Kaya pabor kami, kay Mang Dolphy na dapat ibigay iyan.
Ed de Leon