(L-R) TV production head Laurenti Dyogi, broadcast head Cory Vidanes, Judy Ann Santos-Agoncillo, president and CEO Charo Santos at alfie lorenzo
AMINADO si Judy Ann Santos na kabado siya sa bagong game show na uumpisahan niya sa Dreamscape ng ABS-CBN2. Kabado in a sense na puro bagets, as in toddler, ang sasalang sa mga pagsubok na ihahanda para sa Bet On Your Baby.
Pero iginiit ni Juday na maligaya siya sa bago at kakaibang show na kanyang sasalangan.
“Kinakabahan ako kasi baka mauna pa ako tumili sa mga contestant. Ito naman, it’s all about babies and how you deal with them,” ani Juday sa isang panayam sa kanya pagkatapos niyang pumirma ng kontrata noong Miyerkoles sa Kapamilya Network.
“Noong nakita ko ‘yung peg ng show, na-happy ako, kasi ako mismo noong pinapanood ko siya, nate-tense ako kung makukuha ba ni bagets ‘yung bet ng mommy niya. Nakaka-ano siya, nakakatanggal ng problema,” ambit pa ni Juday.
Hindi pa inihahayag ng Dreamscape ni Deo T. Endrinal kung kalian ipalalabas ang Bet on Your Baby pero mayroon nang idea si Juday kung paano tatakbo ang naturang show. Ipinakita na kasi kay Juday ang dalawang trailer ng game show. Ang unang clips ay in-upload sa ABS-CBN’s YouTube page noong Friday na ipinakikita ang mga batang may edad 2 to 3 1/2, ukol sa kanilang behavior sa ilang magkakaibang sitwasyon. Ang ikalawang video naman ay ipinakikita ang isang toddler sa kung ano ang pipiliin niya, balloon, pagkain o laruan. Sa dalawang teaser, ipinakita rin si Juday habang sinasabi ang mga linyang, “Gaano mo kakilala ang baby mo?”
Sa tulad ni Juday na isa na ring ina, ramdam niya ang kaba ng mga mommy na kasama ng mga bagets sa show. Tiyak na pare-pareho silang tense. Knowing Juday na hands on sa kanyang dalawang anak, for sure, mauuna pang kabahan ang reyna ng soap opera.
Ang Bet on Your Baby ang first project ni Juday matapos niyang pumira ng dalawang taong kontrata sa ABS-CBN.
Sa kabilang banda, mas matapang at mas positibong Judy Ann ang nakita kamakailan ng publiko sa pagpirma ng award-winning actress ng bagong kontrata sa ABS-CBN.
“Natutunan ko ang halaga ng pagle-let go ng negative vibes at pagtanggap sa realidad. Ngayon, alam ko kung nasaan ako at ine-enjoy ko na lang ang lahat,” aniya.”May susulpot kasing challenges na biglang magbabago ng pagkatao mo at magbabalik din sa iyo sa kung anong tunay na mahalaga—ang pagmamahal at pamilya.
“Naisip ko rin kasi na kung lahat ng bagay ay seseryosohin ko at dadamdamin, darami ang wrinkles ko. Sayang ang endorsements,” pabirong paliwanang pa ng aktres.
Maricris Valdez Nicasio