TALAGANG ang TV, kagaya rin naman ng mga pelikula ay hindi pa nakakawala sa tinatawag na literary cinema. Mas click kung ang kuwento sa TV o sa pelikula ay una nang nabasa ng mga tao. Kasi iyang mga nanonood, kung alam na nila ang kuwento, nagkakaroon sila ng feeling of superiority eh. Kasi anticipated na nga nila ang mga pangyayari.
Tingnan ninyo kung hindi. Ang pinakamalalaking hits na pelikula natin ay may kuwentong galing sa komiks. Kung hindi man, true to life story na lumabas sa mga diyaryo.
Palagay namin iyan din ang paniniwala ng ABS-CBN kaya binuhay nila ulit iyong kuwento ni Galema, Anak ni Zuma. Mula iyan sa isang nobela sa komiks ni Jim Fernandez. Tungkol iyan sa isang character na hango sa mga Aztec na may malaking ahas sa batok, si Zuma. Nang mag-click iyon, dinugtungan pa iyon ng Anak ni Zuma, iyan ngang si Galema. Naisalin na rin iyan sa pelikula noong araw, pero ngayon nga ay gagawin na rin sa telebisyon na ang bida ay si Andi Eigenmann.
Wala kaming duda na magagampanan naman ni Andi nang mahusay ang role na iyan. Magaling naman siyang aktres. Sa ngayon ay wala na ring imposible sa telebisyon, dahil gumagamit na nga sila ng pinakamakabagong system sa opticals. Iyang ABS-CBN, sila ang may pinaka-kompletong facilities para sa opticals kaya iyon ngang mga pelikulang fantasy, sa kanila rin ipinagagawa ang mga computer imaging requirements.
Ang isa pang advantage niyang Galema, ang kanilang director ay isang commercial film and TV director, si Wenn Deramas. Ibig sabihin kuha niya ang pulso, at alam niya kung ano ang talagang gustong mapanood ng masa. Kaya kung pag-aaralan mo ang lahat ng mga elementong iyan, tiyak na isang malaking hit na naman ang kanilang ilalabas na maaaring gumiba ng day time supremacy ng ibang networks.
Ed de Leon