Friday , January 10 2025

AFP modernization nasaan? Sundalo sa Zamboanga, nganga!

00 Bulabugin

HINDI man tayo naiyak pero lubhang nabagabag ang ating damdamin para sa maliliit nating sundalo na naroroon ngayon sa Zamboanga para ipagtanggol ang iba pang mamamayan na pineperhuwisyo ng mga pwersang sabi e pinamumunuan ni Nur Misuari.

Naroroon ang maliliit nating mga sundalo para ipatupad ang bungang-isip ng mga ‘henyo’ nating ‘military scientist’ na nakaluklok bilang mga “TOP BRASS” ng HUKBONG SANDATAHAN NG PILIPINAS (AFP).

Silang maliliiit na sundalo na laging malayo at kakarampot lamang ang naipapadalang sweldo para sa kanilang pamilya.

Silang maliliit na sundalo na sumasagupa sa mga hindi nila nakikilalang kalaban, kupas ang uniporme, pudpod ang sapatos, dispalinghado ang baril, kulang sa bala, walang infrared night vision gadget, walang bullet proof vest, walang modernong battle gear at higit sa lahat kapos sa pagkain.

(Take note lang po: baka mas maganda pa ang kalagayan ng mga sundalo ni Nur Misuari kaysa sundalo ng sambayanang Pinoy).

Sila po ngayon ang nasa Zamboanga at kahit sa sarili nila ay hindi nila maipaliwanag kung bakit biglang nagkaroon ng giyera sa nasabing bayan.

Sila po ‘yung maliliit na sundalo natin na ang isang paa ay nakaumang na sa hukay habang ang kanilang pamilya ay nakaumang naman sa pangil ng mga buwaya ng kagutuman at walang katiyakan.

Nakalulungkot na sa kabila ng pamamarali ng PNoy administration na mayroon nang budget para sa AFP modernization ay wala pa rin makitang “significant changes” sa kalagayan ng maliliit na sundalo natin.

Parang ‘yung sinasabi nilang, umunlad daw ang ekonomiya ng bansa pero hindi maramdaman sa sikmura at iba pang pangangailangan ng batayang mamamayan.

Sa kabila nito, sa kabila ng nakaaawa at miserbaleng  kondisyon ng maliliit nating sundalo, nais ko pong ibigay sa kanila ang aking “PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO.”

SALUDO sa maliliit na sundalong ang nasa isip lang ay kailangan nilang ipagtanggol ang sambayanan kontra sa mga kalaban ng DEMOKRASYA kahit walang nagtatanggol sa pamilya nilang malayo sa kanilang piling.

SALUDO sa maliliit na sundalong nakahandang ibigay ang kanilang buhay alang-alang sa sambayanan kahit maulila ang kanilang asawa at mga anak na hindi nakatitiyak ng pagkalinga mula sa estado kapag nawala ang kanilang padre de familia.

SALUDO sa maliliit na sundalong kahit nagugulumihanan sa biglang pagsiklab ng giyera laban sa kapwa Filipino sa Zamboanga ay mahigpit pa rin na tinatanganan ang kanilang armas na hindi sila sigurado kung magba-BACKFIRE sa kanila o tutuloy ang bala sa kanilang kalaban.

Ang higit na nakasasama ng loob dito baka pasalamatan pa ng maliliit na sundalo natin na nagkaroon ng tensiyon sa Zamboanga dahil ‘NA-DALAW’ sila ni PNOY.

Dahil kung walang gulo ngayon d’yan sa Zamboanga, hindi tayo sigurado kung maisipan man lang silipin ni Pnoy ang kanilang kalagayan.

Kaya sa nagsasabing ‘BOSS’ niya ang sambayanan?

Pag-iisipan ko pa kung paano ko siya sasaluduhan.

ESKANDALO SA BIR, HINDI INAAKSIYONAN?

MUKHANG narumihan ang malinis na image ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares.

Mayroon kasing mga eskandalong umano’y sumingaw na hindi ina-aksiyonan ni Comm. Henares?

Ilan sa mga BIR Scandals na sumingaw ay ang mga sumusunod:

– Ang umano’y ‘mabilisang pagtatapos’ at ang sinasabing maliit na halagang binayaran ng malalaking tax cases na nasa ilalim ng pamumuno nina LT Regular Audit at LT Excise Audit ng Large Taxpayers Service;

– Ang pagtatalaga sa puwesto ng 2 key BIR officials na umano’y may masamang record at kapwa idineklarang ‘persona non-grata’ sa mga lugar na pinanggaliangan nila, gayondin sa isang RDO at Assistant RDO sa Metro Manila na tinaguriang ‘one-man army’ sa pagganap sa kanyang tungkulin at paggamit ng bodyguard mula sa isang kongresista;

Ang hindi pagtatalaga sa mahigit 100 officer-in-charge sa puwesto ng mga Regional Directors, Assistants, Revenue District Officers, gayondin sa mga assistants nila; at ang huli ay ang pagbalewala sa inireklamong si Malabon-Navotas  RDO Bonifacio Caringal, na  sinasabing bata-bata ni BIR Deputy Commissioner Estela Sales sa kontrobersiyal sa mabilisang pagtatapos ng 21 letters of authorities.

Si Caringal at mga tauhan niyang sina Group Supervisor Aguinaldo Rey at Intelligence Officer Roberto Esguerra, Jr., ay personal na inireklamo kay Henares nina Revenue Officers Jose Francisco David, Jr., at Ma. Dolores Garduque dahil sa umano’y pang-aabuso sa kanilang tungkulin, paglabag sa probisyon ng National Internal Revenue Code at sa Section 36 ng Presidential Decree No. 807 na lalong kilala bilang Civil Service Decree of the Philippines.

Ang kasalukuyang attitude ni Henares ay ikinompara kay Pangulong Noynoy Aquino na halos hindi rin kumikilos sa pitong iba’t ibang scandals na sumabog gaya ng AFP ‘pabaon scandal,’ NBN-ZTE scandal ni Jun Posadas, Hello Garci ‘back tooled tricks scandal’ ng MNLF ni Nur Misuari, ‘sex for flight scandal’ at nitong huling kontrobersiyal na ‘P10-B PDAF’ ni fugitive Janet Napoles na kinasasangkutan ng mga Senador at Kongresista.

Kailan kaya kikilos si Comm. Kim Henares upang maaksiyonan ang mga eskandalong ito?

Meron ba siyang pinoprotektahan sa kanila?

Just asking lang po.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Check Also

Rank no 9 MWP ng Laguna arestado

Rank no. 9 MWP ng Laguna arestado

NADAKIP ang lalaking nakatalang pangsiyam na most wanted person sa provincial level sa isinagawang joint …

Arrest Shabu

3 high-value drug pusher sa Pampanga tiklo P.68-M shabu nasabat

NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong nakatalang high-value individuals (HVI) at nasamsam ang tinatayang 100 …

Sa anti-crime drive ng Bulacan PNP 17 TIMBOG, P80-K DROGA NASABAT

Sa anti-crime drive ng Bulacan PNP
17 TIMBOG, P80-K DROGA NASABAT

ARESTADO ang 17 indibiduwal na binubuo ng pitong personalidad sa droga, pitong wanted na kriminal, …

4 NBI employees, 7 fixers inaresto sa NBI clearance center

4 NBI employees, 7 fixers inaresto sa NBI clearance center

ALINSUNOD sa atas ni National Bureau of Investigation (NBI) Director (ret) Judge Jaime B. Santiago …

Aksyon Agad Almar Danguilan

QC-LGU, may paaginaldo pa sa QCitizens

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAPOS na ang Pasko…at heto nga Bagong Taon — 2025 na, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *