INUUGA NG KALABAN ANG P’WESTO NI MAYOR RENDEZ DI SIYA MAKAPAPAYAG NA MADISKARIL
Ngunit sinasabi ng mga taong nasusuklam kay Mayor Rendez na para umanong balik-karma sa alkalde ang pagkalulong sa bisyong droga ng kaisa-isa nitong anak na si Jimboy. Sunod ang luho at layaw sa buhay, hindi miminsan nasangkot ang binata sa iba’t ibang uri ng kalokohan, lalo’t nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.
Maruming laro ang politika. Pinerso-nal si Mayor Rendez ng kalaban nitong kandidato sa kabilang partido. Pinatulang muli ng midya ang luma nang isyu.Ikinawing sa droga ang sunud-sunod na insidente ng paghalay at pagpatay sa tatlong kababaihan. Isang magandang nursing student na nagngangalang “Lerma Montes” ang pinakahuling biktima. Sa imbestigasyon ng pulisya ay isinalaksak sa bibig ng dalaga ang isang kuwarenta’y singkong baril at saka kinalabit ang gatilyo.
“Pilit inuuga ang pwesto ko. Pinagmumukha akong inutil,” pag-aaburido ni Mayor Rendez sa harap ng ipinatawag na hepe ng pulisya, si Kernel Leon Bantog. “Ang hampas sa ‘yo, latay sa mukha ko.”
Kunot-noo, naitanong ng hepe ng pulisya ng bayan: “A-ano’ng gusto mong gawin ko, Meyor?”
“Kahit ano!”
Kahit ano? Saglit na natigilan si Kernel Bantog.
“Yes, Meyor!” anito sa pagtayo sa kinauupuang silyang nakaharap kay Mayor Rendez. (Itutuloy bukas)
Rey Atalia