Ang sabi ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA), wala!
Tama nga naman ang NFA at DA na marami pang bigas sa mga palengke.
Ngunit ang tanong ng marami: Bakit kay mahal ng presyo ng bigas sa merkado na hindi na abot-kaya ng bulsa ng karaniwang mamamayan?
Ang karaniwang bigas na kapag isinaing ay hindi halos makain dahil sa hindi magandang amoy at matigas ay umaabot ng halagang 30 hanggang 35 pesos. Commercial rice pa ang mga iyan.
Iilan lang sa pamilihan ang may NFA rice. Kung may mabili mang NFA rice, halos hindi nalalayo sa halaga ng commercial rice at hindi rin maganda isaing.
Pero sabi nga ng iba, lamang tiyan na rin ‘yan kaysa naman magutom.
Nalilito ang taong bayan sa balitang may krisis daw sa bigas. Ang totoo, wala naman krisis sa bigas kundi sobrang napakamahal lang sa merkado.
Talo ang mga nagbabadyet o ‘yung mga pinagkakasya ang kita.
Bakit lumulutang ang balitang may krisis sa bigas?
Baka hindi kayang gampanan ng mga kasalukuyang namumuno sa DA at NFA ang kanilang tungkulin?
Sinasabi ni DA Sec. Proceso Alcala na kasalanan ng mga negosyanteng nagtatago ng bigas ang maling akala na may krisis sa bigas. Artipisyal lang daw ang rice crisis.
E, ano ba ang ginagawa ng NFA? Hindi ba’t kung may kakapusan sa bigas dahil itinatago ng mga mandarayang rice trader, sila ang bahala sa supply para hindi magutom ang taumbayan?
Walang makita ang mga tao na NFA rice sa mga palengke at kung mayroon man, napakamahal din.
Baka itong NFA ang nagkukubli ng bigas kung kaya naman ang mga rice trader ay nagsasamantala sa paglalabas ng sobrang mahal na commercial rice.
Nagkakalokohan sa isyung may crisis at sa balitang may nanabotahe raw sa DA at NFA pero ang sambayanan ang naapektohan.
Sa nangyayaring pila-balde ng mga taong naghahangad makabili ng murang NFA rice, walang magawa ang ahensiya kundi ang magpaliwanag lang na sila ay sinasabotahe ng ilang grupo.
Hindi hinahanap ng mga tao ang inyong paliwanag. Ang hinahanap namin ay mura pero makakaing bigas ng tao at hindi ng mga baboy.
Nasaan na ang mga NFA rice kung totoong walang kakapusan at may saganang imbak sa mga bodega ng ahensiya?
Problema ninyo d’yan sa NFA at DA kung may sumasabotahe sa inyo dahil sa inyong palpak na pamumuno.
Ang importante sa amin ngayon, nasaan na ang murang bigas?
nats taboy