NAGKASUNDO ang pamunuan ng TAPE Inc., GMA 7, at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na magkaroon ng three-month “close collaboration” para maiwasan ang ilang hindi magandang eksena sa The Ryzza Mae Show. Kasunod din nito ang pag-amin ng TAPE at GMA 7 na nagkaroon nga ng lapses sa tinukoy na controversial scenes na nag-uungbay kay Ryzza Mae Dizon.
Bukod sa three month close collaboration, sinabi ni MTRCB chairperson Atty. Eugenio Villareal na magsusumite rin ang producer ng show ni Ryzza ng remedial measure.
“Humiling sila ng hanggang Lunes upang magprisinta ng mga definitve remedial measures na ating hiniling na kongkreto at time-based, at capable of feedback at evaluation,” paliwanag ni MTRCB chair na idinagdag pang magkakaroon din ng deliberation ang MTRCB’s AD Hoc Committee sa anumang recommended measures kung mayroon man kapag naaprubahan na ang proposed remedial measures.
“Ang mahalaga po ay mayroong mature na pag-acknowledge na nangyari itong mga hindi inaasahang mga pangyayaring ito at tayo ay tutungo na hindi mangyari pa ito ulit,” giit pa ni Atty. Villareal.
Kung ating matatandaan, ipinatawag ng MTRCB ang mga producer ng dalawang programang pang-tanghali ng GMA 7 dahil sa sinasabing “child-unfriendly scenes.”
Napuna ng ahensiya ang July 29, 2013 episode ng Eat Bulaga dahil sa insidente ng pagbuga ng juice ng isa sa mga host sa mukha ng child actress-host. Habang sa August 14, 2013 episode ay sinabihan si Ryzza ng isang guest ng ”landing bata ka.”
Para sa MTRCB, nalabag dito ang dignidad ng 8-anyos na si Ryzza Mae. Anila, mahalaga ang kapakanan ng mga bata.
Maricris Valdez Nicasio