Saturday , December 21 2024

Enrile, Revilla, Estrada ikinanta

IKINANTA ng mga testigong humarap sa Senado ang pagkakasangkot ng priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel nina Sens. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada sa kuwestyonableng non-government organizations (NGOs) na konektado umano sa  tinaguriang pork scam queen na si Janet Napoles.

Tumestigo sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona sina Alan Javellana at Rhodora Mendoza, dating president at vice president for finance and administration ng National Agribusiness Corporation (Nabcor). Pinamunuan ni Javellana  ang Nabcor mula 2007 hanggang 2009.

Ibinunyag nila na sa pamamagitan ng Nabcor ay ipinagamit daw ng tatlong senador ang kanilang pork barrel sa Social Development Program for Farmers Foundations Inc. (SDPFFI),  Magsasakang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI), at People’s Organization for  Progress and Development Foundation  Inc., na pawang konektado kay Napoles.

Mantakin ninyong ayon kay Mendoza ay inendoso ni Enrile ang kanyang pork sa tatlong NGO. Ipinagamit naman daw ni Revilla ang kanyang PDAF sa MAMFI samantala ang pork ni  Estrada ay napunta sa SDPFFI at MAMFI.

Inamin din ni Javellana na dalawang ulit siyang nakipag-meeting kay Napoles sa coffee shop ng Discovery Suites sa Mandaluyong may apat na taon na ang nakalilipas.

Si Benhur Luy, ang kaanak at dating empleyado ni Napoles na naging whistleblower, ay kilala rin daw nina Javellana at Mendoza. Madalas daw siyang magpunta sa kanilang opisina  bilang kinatawan ng mga NGO ni Napoles.

Tumestigo rin si Assistant Sec. Salvador Salacup na dating namuno sa Zamboanga Rubber Estate Corp. (ZREC) para kompirmahin na pinagamit nina Enrile, Revilla at Estrada ang  kanilang pork sa Pangkabuhayan Foundation Inc., bagama’t hindi ito konektado kay Napoles.

Bukod sa mga senador ay nabanggit din ni Salacup sina APEC Rep. Edgar Valdez at Buhay Rep. Rene Velarde na nag-endorso umano ng kanilang pork sa mga kuwestyonableng  NGO sa pamamagitan ng ZREC.

Sa paglutang ng naturang mga testigo ay nabuhayan lalo ng loob ang mga mahigpit na sumusubaybay sa mga pangyayari kaugnay ng pork scam. Ang pinananabikan nila ay makita umanong mapanagot ng gobyerno ang lahat ng damuho na sangkot sa malawakang pandarayang ito sa pondo ng bayan, kahit opisyal pa sila ng pamahalaan.

Siyempre, nais nilang makitang tuluyang makulong sa regular na piitan si Napoles, at dumanas ng lahat ng paghihirap na inaabot ng preso sa kulungan. Ito raw ang magsisilbing halimbawa sa lahat para hindi na siya tularan ng ibang buwaya sa loob at labas ng gobyerno.

Bukod diyan ay dapat habulin ng gobyerno ang lahat ng pera na nakuha sa scam. Tiyak na marami pang pera at deposito sa abroad na hindi dapat kaligtaan ng mga imbestigador na inatasang tumutok sa pagbawi ng pera ni Napoles.

Sa totoo lang, mga mare at pare ko, sampal sa mukha ng sandamakmak na maralita at nagugutom na Pinoy ang ginawang pambubulsa sa pork ng mga hinayupak.

Tandaan!

Ruther Batuigas

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *