KUNG talagang sinsero ang pahayag ng mga senador na ayaw na nila sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas, wala silang dapat gawin kundi halungkatin at buha-yin ang panukalang batas na iniakda ni Manila Mayor Alfredo S. Lim noong siya ay nasa Senado pa.
Ang tinutukoy natin ay ang Senate Bill 2618 na inihain noong February 19, 2007 ni noo’y Senador Lim sa 13th Congress na kilala rin sa tawag na:
“AN ACT ABOLISHING ALL FORMS OF CONGRESSIONAL ‘PORK BARREL’ OR APPROPRIATIONS THAT PROVIDE FUNDS TO MEMBERS OF CONGRESS INTENDED FOR THEIR RESPECTIVE PUBLIC WORKS, SOCIAL, LIVELIHOOD, DEVE-LOPMENT OR REHABILITATION AND OTHER PROJECTS THAT APPROPRIATELY APPERTAIN TO THE EXECUTIVE DEPARTMENT”.
Sa pagkakaakda niya ng SB 2618, binig-yang-diin ni noo’y Senador Lim ang nakasaad sa Konstitusyon na ang trabaho ng Kongreso ay gumawa ng batas kaya walang katuwiran ang pagbibigay ng pork barrel funds sa mga mambabatas para sa mga kursunada nilang proyekto dahil puwede naman itong ipatupad ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan.
“Besides, it is the general consensus that pork barrel is oftentimes the source of graft and corruption since, more ofthen than not, projects are cornered for certain fess. It is even noticed that, just to be able to get a fat chunk of the fund, there are projects which are being done which, in the first place, should not have been so, as there are other priorities to attend to,” paliwanag ni noo’y Sen. Lim.
Imunungkahi din niya na sa halip ipamudmod sa mga mambabatas ang mahigit P20 bilyon taon-taon, ay ipambayad na lang ng gobyerno sa utang panlabas ng bansa.
Kahit hindi umusad ang SB 2618 sa Senado dahil walang nakuhang kakampi si Sen. Lim, hiniling niya sa Malakanyang na ang kanyang pork barrel ay ibayad na lang sa Kapital ng foreign debt ng Filipinas.
Hindi nga nagkamali si Mayor Lim, ngayon napagtanto ng sambayanang Filipino na ang pork barrel ang ugat ng korupsiyon na nauwi sa sobrang kasakiman at pagkagahaman sa salapi ng mga nasa Kongreso.
OCHOA, LAGING SABIT
ILANG beses lumutang sa media ang koneksiyon ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., kay Napoles; una, nang hawakan ng law firm na MOST (Marcos Ochoa Serapio Tan) ang kidnapping case ng ginang; pangalawa, nang magsilbing PR man niya ang consultant ng Executive Secretary na si Brian Yamsuan; pangatlo, nang nanghingi raw ng campaign funds si Ochoa kay Napoles para sa Liberal Party noong nakalipas na Disyembre.
Habang si Roxas ay isang beses rin naiugnay kay Napoles, ito’y nang aminin ng ginang na ang misis ng Kalihim na si Korina Sanchez ang nagbigay ng kanyang liham kay Pangulong Aquino noong nakalipas na Abril na isinusumbong ang mga taga-National Bureau of Investigation (NBI) na kinikikilan siya.
Ibig sabihin lang nito, bukod sa rehimeng Arroyo, may naging pakinabang kay Napoles ang Balay Group ni Roxas at Samar Group ni Ochoa kaya ganoon na lang ang VIP treatment sa kanya ng administrasyong Aquino.
Naging matingkad ang banggaan ng dalawang paksyon sa Palasyo sa pagsuko ni Napoles, nang kinontrol ng Balay Group (Roxas, Presidential Spokesman Edwin Lacierda, Communications Secretary Ricky Carandang, Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte) ang sitwasyon mula sa pagsundo, paghatid sa Palasyo, Camp Crame, Makati City Jail hanggang Fort Sto. Domingo.
Kapuna-punang nawala sa eksena si Ochoa at kakampi niyang si Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma at maging ang ambisyosang maging president sa 2016 na si Justice Secretary Leila de Lima na nagsampa ng serious illegal detention case laban kay Napoles.
SUWERTE NI ACUZAR,
KAILAN MAPUPUTOL?
DAHIL nabuko na ilang government owned and controlled corporation (GOCC) ang sabit sa pork barrel scam, pinapaboran ng Palasyo ang pagbuwag sa mga ito, kasama na ang Philippine Forest Corp. (Philforest).
Marami ang nagdududa kung pakana ba ito para pagtakpan ang mga opisyal ng pamahalaan na nakinabang sa mga maanomalyang proyekto, tulad ng pahayag ni NBN-ZTE deal whistleblower Jun Lozada na dating Pangulo ng Philforest.
Isiniwalat ni Lozada na ang real estate firm na New San Jose Builders Inc., na pagmamay-ari ng bayaw ni Ochoa na si Jerry ‘Putol’ Acuzar, ang nakasungkit ng midnight deal noong admi-nistrasyong Arroyo na pag-upa para paunlarin ang 2,000 ektaryang forest-land at beach front property sa Busuanga, Palawan.
Ang kuwestiyonableng kontrata ay binihisan ng legalidad ng Presidential Proclamation No. 2057 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong May 7, 2010, o tatlong araw bago ang eleksiyon.
Kamakailan ay lumutang rin ang pangalan ni Acuzar bilang may-ari rin ng Goldenville Realty and Development Corp., na nakakuha ng kontrata para sa relokasyon ng estero families sa 85-ektaryang lupain na okupado ng mga magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na pinalayas sa Barangay, Kaybanban, City of San Jose del Monte, Bulacan.
Ang mahigit 85 ektaryang produktibong lupaing agraryo ay ginawa ng Goldenville bilang relocation site na Towerville 7 ng National Housing Authority (NHA) kaya pinalalayas ang mga magsasakang may-ari ng lupa, kahit pa ipinagbabawal ng batas ang conversion ng mga lupaing sakop ng CARP.
Kailan kaya puputulin ang napakatagal nang suwerteng tinatamasa ng magbayaw na Ochoa at Acuzar?
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid