NAPANGANGA ako kamakailan dahil sa mga mali-maling sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda kaugnay sa ating kasaysayan habang mahigpit na ipinagtatanggol mula sa mga puna ng bayan ang ginawang pagtanggap ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa pagsuko ni Janet Napoles.
Ayon kay Lacierda (at sa Malacañang na rin) hindi bago ang nangyari at walang “special treatment” na ibinigay kay Napoles. Idiniin pa niya na ang pagsuko ng mga pinaghahanap ng batas sa pangulo ay kung ilang ulit nang nagyari sa ating kasaysayan. Binanggit niya na sumuko si Teodoro Acedillo kay Pangulong Manuel L. Quezon, Luis Taruc kay Pangulong Ramon Magsaysay at si Col. (ngayon ay Senador) Gregorio Honasan kay Pa-ngulong Fidel Ramos.
Ipinaliwanag ni Lacierda na ang takot ni Napoles para sa kanyang buhay ang nagtulak para sumuko lamang sa pangulo. Idiniin niya na ang pagnanasa ng pangulo na mahanap ang katotohanan ang dahilan kaya hinarap niya si Napoles.
Wala akong problema kung sumuko si Napoles sa pangulo bagamat hindi ako sang-ayon na inihatid pa niya sa Camp Crame. Ang hindi ako kampante ay ‘yung tangkain na paikutin tayo maidiin lamang na walang special treatment para kay Napoles.
Una insulto kay Acedillo, Taruc at Honasan na ikompara sila kay Napoles. Sila, lalo na si Asedillo at Taruc na itinuturing na mga bayaning ba-yan, ay pawang may agendang politikal. Si Asedillo at Taruc ay nakipaglaban para sa kalayaan ng bayan mula sa mga dayuhang mananakop. Samantala si Napoles ay pinaghahanap dahil sa kasong illegal detention at isinasangkot sa multi-bilyong pisong pork scam. Siya ay walang agendang politikal.
Si Nicolas Encollado, isang bandido na sinasabi ni Lacierda na sumuko kay Pangulong Quezon noong 1936 ay una nang sumuko sa Gobernador ng Tayabas na si Maximo Rodriguez. Siya ay iniharap na lamang ni Rodriguez kay Quezon.
Pangalawa dapat malaman ni Lacierda na kailan man ay hindi sumuko si Acedillo kay Pa-ngulong Manuel Luis Quezon. Si Acedillo, isang magiting na organisador ng mga manggagawa at kilalang anti-Amerikano, ay napatay ng mga maka-Amerikanong militar (Philippine Constabulary) sa isang labanan sa Cavinti, Laguna.
Si Taruc naman na pinuno ng Hukbong Mapagpalaya Laban sa Hapon o Hukbalahap ay sumuko sa pamahalaan at hindi kay Pangulong Ramon Magsaysay. Samantala si Honasan, ayon na rin sa kanyang pahayag, ay sinakop ng pangkalahatang amnestiya ng pamahalaan matapos maki-pagkasundo sa Reform the Armed Forces Movement o RAM. Hindi siya humarap kay Pangulong Fidel Ramos para sumuko.
Hindi siguro inakala ni Lacierda na mahahalungkat pa ang mga datos na kanyang sinabi. Ipagtanggol mo ang pangulo tutal iyan ang trabaho mo pero huwag mo kaming paikutin kasi ang nawawalan ng kredibilidad ay ikaw rin at ang administrasyong iyong pinaglilingkuran.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores