Mga Laro Ngayon ((The Arena, San Juan)
4 pm – Perpetual Help vs Arellano U
6 pm – Jose Rizal vs St. Benilde
Target ng Perpetual Help Altas na makaulit kontra Arellano Chiefs upang manatiling nakakapit sa ikalawang puwesto sa 89th National Collegiate Athletic Association (NCAA) Men’s Basketball Tournament mamayang 4pm sa The Arena sa San Juan.
Patatatagin din ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang pag-asang makarating sa Final Four sa pamamagitan ng pag-ulit kontra host St. Benilde Blazers sa ganap na 6 pm.
Ang Altas ay nagwagi kontra Chiefs, 73-66, sa una nilang pagkikita noong Hulyo 18. Kung makakaulit sila ay tatabla sila sa three-time defending champions San Beda Red Lions (8-2) na sumesegunda sa nangungunang Letran Knights (9-1).
Kahit na hindi pa rin nakapaglalaro ang sentrong si Femmi Babayemi ay patuloy na nakapamamayagpag ang Altas sa pangunguna ni Nosa Omorogbe. Katunayan sila ang tanging koponang nagtagumpay kontra Letran, 80-66, noong Agosto 15.
Katuwang ni Omorogbe sina Chrisper Elopre, Scottie Thompson, Harold Arboleda at Juneric Balorio.
Nakakadismaya naman ang performance ng Arellano University sa first round kung saan tatlong panalo lang ang naitala nila sa siyam na laro.
Umaasa si coach Koy Banal na makakabawi ang Chiefs sa second round upang patunayan na isa nga sila sa pre-tournament favorites.
Kailangang umangat ang laro ng Phil-Canadian na si James Forrester upang matulungan niya sina Prince Caperal at John Pinto.
Ang Heavy Bombers ay nasa ika-apat na pwesto sa kartang 5-4. Napatid naman ang three-game losing streak ng Blazers na bumagsak sa 3-6.
Naungusan ng JRU ang St. Benilde, 73-71, sa overtime noong Hulyo 11.
Mga pambato ni JRU coach Vergel Meneses sina Philip Paniamogan, Paolo Pontejos, Michael Mabulac at Jordan Dela Paz.
Naniniwala ang bagong CSB coach na si Gabby Velasco na kaya pa ng Blazers na makaahon kung magpapakita sila ng katatagan sa end game. Si Velasco ay sumasandig kina Paolo Taha, Mark Romero, Fonz Saavedra at Luis Sinco. (SABRINA PASCUA)