Saturday , November 23 2024

Napoles swak lang sa ‘bribery’ (Detenido na sa Fort Sto. Domingo)

090213 napoles fort
ANG P10-billion pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles habang nagpapakuha ng blood pressure sa medical team ng PNP Special Action Force (SAF), ang detention cell at si SILG Mar Roxas nang inspeksiyonin ang lugar. (PNP Official Photo Release)

IWAS-PUSOY ang Palasyo sa posibilidad na kasong bribery lang ang maisampa laban kay Janet Lim-Napoles at makalalaya rin agad kapag ikinanta na ang mga opisyal ng gobyerno na kanyang sinuhulan para makopo ang mga proyektong pinondohan ng pork barrel ng mga mambabatas.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nakakasa na ang isasampang kaso ng Department of Justice (DoJ) laban kay Napoles at ayaw pangunahan ito ng Palasyo.

“Yung dapat pong isampang kaso ay kung ano ho ‘yung base doon sa ebidensya. At dahil nakakasa na nga ho ‘yung pagfa-file ng Department of Justice, ayaw din po nating i-preempt ito, at hihintayin na lang din po natin ‘yung magiging resulta ng kanilang imbestigasyon dahil malinaw po ang atas ng Pangulong Aquino sa kanila: pupunta tayo kung saan tayo dadalhin ng ebidensya.”

Kamakalawa ay inihayag ni Atty. Mel Sta. Maria, guro sa Ateneo School of Law at resident legal analyst ng TV5, batay sa Presidential Decree No. 749 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Hulyo 18, 1975, sa krimen na bribery, ang taong nagbigay ng suhol o regalo sa isang public official o kasabwat sa panunuhol ay maaaring makaligtas sa paglilitis o kaparusahan sa naturang kaso.

Ito aniya ay kung tetestigo ang “briber” laban sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng suhol lalo na’t naganap na ang bribery; kung ang kanyang hawak na impormasyon at testimonya ay kinakailangan para mahatulan ang akusadong public official; kung ang nalalaman niyang mga impormasyon ay wala pa sa kamay ng estado; kung may iba pang tao o dokumentong magpapatunay sa kanyang panunuhol at kung siya ay hindi pa nahahatulan ng hukuman sa ano mang krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

Dagdag ni Sta. Maria, kapag ang100 kongresista at 12 senador ay pumayag na maibigay ang kanilang pork barrel sa isang illegal na gawain dahil sa pang-eengganyo sa kanila ng isang indibidwal kapalit ng ibibigay sa kanilang ‘commission,’ ‘management fee’ o regalo, na itinuturing na suhol – ang taong ito, matapos ibigay ang suhol ay pwedeng bumaligtad at isuplong sa awtoridad ang mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap sa kanya ng lagay.

Batay sa mga inilabas na detalye ng DoJ, kaya nakuha ni Napoles ang  P10-B pork barrel ng mga mambabatas ay dahil naging kasabwat niya sa paglalagay ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga binuo niyang bogus non-government organizations (NGOs) kapalit ng 60% halaga ng ghost projects na kunwari’y ipatutupad ng mga kongresista at senador.

Samantala, naibiyahe na sa Fort Santo Domingo sa Sta. Rosa, Laguna kahapon ng umaga si Napoles.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO), ang convoy na naghatid kay Napoles ay dumating sa Fort Sto. Domingo dakong 6 a.m.

Siya ay opisyal na ipinasa ni C/Insp. Fermin Enriquez, officer-in-charge ng Makati City Jail, sa PNP Special Action Forces (SAF) dakong 6:30 am. Tinanggap naman ni P/Supt. Francis Allan M. Reglos si Napoles.

Ang convoy ay umalis sa Makati City Jail dakong 5 a.m. Sinasabing si Napoles ay sumakay sa puting PNP coaster na naghatid din sa kanya sa Makati City Jail nitong Miyerkoles ng gabi.

Kabilang sa convoy ang mga miyembro ng Special Action Force (SAF) na pawang naka-full battle gear habang lulan ng motorsiklo, PNP van, at tinted sports utility vehicle na sinasabing sinakyan ng high-ranking police officials patungo sa kampo.

Ang seguridad sa Fort Sto. Domingo ay hinigpitan para sa kaligtasan ni Napoles. Mayroon nang Closed-Circuit Television (CCTV) came-ras sa detention facility gayondin sa visitors’ area. (ROSE NOVENARIO)

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *