Thursday , December 5 2024

Erap magpapa-kudeta, City Hall ng Maynila ang gagawing kuta?

MASYADONG naging abala ang bayan, lalo na ang Malakanyang, ng nakalipas na linggo sa pagsuko ni Janet Lim-Napoles.

Mistulang teleseryeng sinubaybayan ng publiko ang pangyayaring inaasahang magbibigay liwanag sa talamak na pagnanakaw sa pera ng bayan ng sabwatang ehekutibo at lehislatura, kasama ang mga kasabwat na contractor na tulad ni Napoles.

Bago ang pamosong surrender ni Napoles sa Palasyo, pinaalalahanan ni Pangulong Aquino ang militar na manatiling neutral sa isyu ng pork barrel scam at huwag isapubliko ang kanilang saloobin dahil baka gamitin itong tuntungan ng mga may masamang balak sa gobyerno.

Nguni’t lingid sa kaalaman ni Pangulong Aquino, hindi sa kampo ng military o pulis magmumula ang destabilisasyon laban sa kanyang administrasyon, niluluto ito sa Manila City Hall na ilang metro lang ang layo sa Malakanyang.

Alam kaya ng Commander-in-Chief na labas-masok sa Manila City Hall ang mga sundalo kahit wala naman opisyal na pakay roon?

Duda ng marami, inihahanda ni deposed president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada  ang 4th Floor ng City Hall para gawing kuta sakaling ideklara ng Korte Suprema na disqualified siya?

Hindi naman bago kay Erap ang mangunyapit sa puwesto kahit labag sa batas, ginawa niya iyan noong 1986 nang magkuta sa munisipyo ng San Juan kahit may itinalaga na si noo’y Pangulong Cory Aquino  na Officer- in- Charge.

Sakaling idiskuwalipika ng Korte Suprema si Erap bilang Manila mayoralty bet sa nakalipas na halalan, paiigtingin ng mga mandarambong ang pagtambol sa usaping talagang ginigipit ng administrasyong Aquino ang mga taga-oposisyon kaya hahakot na sila ng simpatiya ng taong bayan para pabagsakin si Pangulong Aquino.

Noong Agosto 26 sa “Million People March” sa Luneta ay kapuna-puna na naglipana ang mga tauhan ni Erap sa lugar na tinatambayan din ng mga pangkat ng pro-Arroyo.

Lumalabas na dahil pareho na silang nasa kampo ngayon ng oposisyon, at  mula sa kanilang hanay ang mga nabulgar na sangkot sa pork barrel scam, kaya iisa na ang kumpas na kanilang sinusundan, ito ay ang ipihit ang galit ng taong bayan patungo sa direksiyon ni Pangulong Aquino.

Hindi naman sila papayag na basta makasuhan at makulong kaya sasakyan nila ang ngitngit ng publiko laban sa pork barrel, palalabasin lang nilang inutil ang kampanya kontra-korupsiyon ng administrasyong Aquino at sila lang ang pinupuntiryang asuntuhin upang madurog ang kredibilidad at ma-etsapuwera na ang kanilang mga manok sa 2016 elections.

Sa rami ng perang kinulimbat ng pangkat na ito sa kaban ng bayan ay talagang madali para sa kanilang  pahinain ang gulugod ng administrasyong Aquino lalo na’t mga eksperto sa kudeta ang ilan sa kanila.

Kaya kaysa makulong ay gagawa sila ng paraan para pabagsakin si Pangulong Aquino upang ang manok nilang si Vice President Jejomar Binay ang pumalit sa Malakanyang at wala silang kahirap-hirap na gawin ito kapag si Erap ang nakaupo sa Manila City Hall.

At ‘wag nating kalimutan na pinondohan din ng kampo ni Erap ang destabilisasyon laban kay GMA sa EDSA 3.

Kung hindi Kudeta, ano ang pakay at pinagkakaabalahan ng mga labas-masok na sundalo sa 4th floor ng Manila City Hall?

RULE OF LAW, PAIRALIN

KUNG tutuusin ay napakadali lang ang solusyon sa mga kinakaharap na problema ng Filipinas, pairalin lang ang ‘rule of law’ ay aarangkada na ang bansa tungo sa kaayusan, kapayapaan at kaunlaran.

Kaya walang kinatatakutan ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan ay sanhi nang nakikita nilang hindi naman ipinaiiral ang batas sa ating bansa.

Malinaw iyan, lalo na ng mismong si Erap, habang pangulo ng bansa, ay walang habas na binastos ang mga umiiral na batas para magpayaman.

Mauulit ang pandarambong sa pamahalaan kapag hindi ipinairal ng pamahalaan ang ‘rule of law’ o habang namamayagpag pa rin sa gobyerno ang mga magnanakaw at pababayaan lang sila ni Pangulong Aquino.

Tulad na lang sa pork barrel ng mga mambabatas na ugat ng pagnanakaw sa pamahalaan pero kung tutuusin ay hindi naman dapat ipatupad dahil wala naman sa Konstitusyon na bahagi ng kanilang obligasyon na tumanggap ng pondo para magpatupad ng kursunada nilang mga proyekto.

Ang pangulo lang ng bansa ang naglalagay ng pork barrel sa pambansang budget kaya ano mang oras ay puwede niyang tanggalin ito, kung desidido siyang iwaksi na ang sistema sa pakikipag-kompromiso ng Ehekutibo sa Lehislatura para makuha ng Palasyo ang suporta ng Kongreso.

Walang batas na nag-uutos sa Presidente na ilagay ang pork barrel sa pambansang budget at kaya lang nakalulusot ay dahil pinapaboran ng Kongreso na may ‘power of the purse,’ kaya nabibihisan na ng legalidad kapag napasama na sa ipapasang General Appropriations Act.

Dahil walang batas na pinagbabasehan ang Pangulo para ipagkaloob ang pork barrel sa mga mambabatas, dapat niya itong tanggalin sa isinusumite niyang panukalang pambansang budget sa Kongreso taon-taon. ‘Yan ang Rule of Law, itama ang mali.

Kapag ginawa ito ng Pangulo, wala nang nanakawing pera ng bayan ang mga mambabatas at ang gagampanan na lang nilang trabaho ay gumawa ng batas na pakikinabangan ng publiko.

‘Yan ang Rule of Law, ang pagwawasto ng mali.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Arjo Atayde

Arjo malaki tsansang makasungkit ng tropeo sa MMFF Gabi ng Parangal

RATED Rni Rommel Gonzales MATAGUMPAY na aktor at congressman ng 1st District ng Quezon City …

DOST R02 Strengthens Efforts Against Online Exploitation Through RA 11930 Webinar

DOST R02 Strengthens Efforts Against Online Exploitation Through RA 11930 Webinar

In line with the nationwide observance of the 18-Day Campaign to End Violence Against Women …

Moon Su-In Noreen Divina Skinlandia Rams David 

Moon Su-In bagong endorser ng Skinlandia

RATED Rni Rommel Gonzales BONGGA ang Skinlandia ni Madam Noreen Divina dahil ang pinakabago nilang celebrity endorser ay ang …

Jimmy Bondoc

Jimmy Bondoc ikakasal sa 2025

MATABILni John Fontanilla TULOY-TULOY na nga ang pagpasok sa mundo ng politika ng mahusay na …

A Priceless Gift from DOST-1 1st Solar-Powered Water Desalination Facility in Silaki Island

A Priceless Gift from DOST-1: 1st Solar-Powered Water Desalination Facility in Silaki Island

SILAKI ISLAND, a heart-shaped 10-hectare islet located at Brgy. Binabalian, Bolinao, Pangasinan is renowned as …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *