PRODUCER na rin pala si Christopher de Leon ngayon—pero hindi ng pelikula kundi ng isang stage musical na ang titulo ay Lorenzo.
At sino pa nga ba ang sikat na Lorenzo sa ating bansa kundi si Lorenzo Ruiz, ang kauna-unahang santong Filipino (at alam n’yo naman sigurong may pangalawa na, si Pedro Calungsod).
Actually, hindi lang kay San Lorenzo Ruiz patungkol ang musical kundi pati na sa isang OFW na nakatakdang bitayin sa Middle East na Lorenzo rin ang pangalan. Makabagong produksyon ito, kaya posibleng pagsalimbayin ang nagdaang panahon at ang kasalukuyan. At dahil sining ito, posibleng magkita ang matagal nang yumao at ang nakatakda pa lang na yumao.
Alam n’yo bang halos Lorenzo rin ang pangalan ng musical actor na gaganap na San Lorenzo? At ito’y walang iba kundi si Lorenz Martinez, anak ni Leo Martinez, ang mahusay na TV comedian na dating theater actor.
‘Yung OFW na Lorenzo ay gagampanan naman ni OJ Mariano na sikat na rin ngayon bilang musical actor. Galing siya sa isang singing contest ng ABS-CBN noon.
Si Ryan Cayabyab lang naman ang may gawa ng musika at ang magdidirehe nito ay si Nonon Padilla, na naging artistic director ng Cultural Center of the Philippines.
Sa September 5 na magsisimulang ipalabas ang Lorenzo sa SDA Theater ng College of St. Benilde sa Vito Cruz Ave. (na matagal nang P. Ocampo ang pangalang opisyal na siya mismong nakalagay sa karatula ng kalye). May captive market na siguro sa Benilde ang kompanya ni Boyet na ang pangalan ay Green Wings kaya roon ang pinili ng kompanya na ipalabas ang kauna-unahan nitong produksiyon.
May press night sa September 4 sa SDA Theater at nakumbida kami roon ng publicist ng production na si Toots Tolentino. Sa gabing ‘yon pa lang namin mapag-aalaman ang iba pang detalye ng produksiyon. Siguro naman ay naroon si Boyet para sumagot sa mga tanong ng press.
Danny Vibas