TULAD ng inaasahan, maraming Pinoy ang nag-abang kung sino-sino sa mga naggagandahang Pinay ang mapipili para lumahok sa international pageants sa katatapos na Binibining Pilipinas 2016 na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong Linggo.
Kinoronahan bilang Miss Universe-Philippines si Maxine Medina (Candidate No. 29). Pinsan si Maxine ng aktres/TV host na si Dianne Medina. Ngayon pa lang ay malaki na ang pressure na ibinibigay kay Maxine dahil sa pagkapanalo ni Pia Wurtzbach bilang Miss Universe 2015. Dapat daw kasi’y makuha rin ni Maxine ang korona sa oras na sumali na ito sa international pageant.
Ang crowd favorite naman si Kylie Versoza (Candidate No. 31) ang kinokonahan bilang Bb. Pilipinas-International.
Si Joanna Eden (Candidate No. 13) ang itinanghal na Bb. Pilipinas-Supranational, si Jennifer Hammond (Candidate No. 26) naman ang Bb. Pilipinas-Intercontinental, at si Nicole Cordoves (Candidate No. 11) ang Bb. Pilipinas-Grand International.
Ang kapatid ni Bb. Pilipinas-Universe 2009 na si Bianca Manalo naman na siNichole Marie Manalo (Candidate No. 28) ang nakakuha ng korona bilang Miss Globe Philippines.
First runner-up si Angelica Alita (Candidate No. 38) at second runner-up si Jehza Huelar (Candidate No. 37).
Inabot ng hatinggabi ang pagsasaere ng Binibinibing Pilipinas sa ABS-CBN pero hindi ito binitiwan ng manonood. Talagang hinintay nila kung sino mula sa 15 ang makokoronahan ng mga international title.
Bukod sa mga nakakuha ng titulo, nakapasok din sa Top 15 sina Vina Openiano(Candidate No. 16), Riana Pangindian (Candidate No. 5), Apriel Smith(Candidate No. 22), Roshiela Tobias (Candidate No. 9), Kimberle Penchon(Candidate No. 4), Dindi Pajares (Candidate No. 27), at Edjelyn Joy Gamboa(Candidate No. 12).
Sina Xian Lim at KC Concepcion ang nagsilbing host ng coronation night ng Binibining Pilipinas 2016 at kabilang sa mga hurado sina Miss USA Olivia Jordan, film and TV actor Ian Veneracion, at ang anak ni Mar Roxas na si Paolo Roxas.