PINANGHAHAWAKAN ng fans ng AlDub ang sinasabi ng MMDA kung magkano ang kinita ng film festival at naniniwala silang ang pelikula ng kanilang mga idol ang siyang top grosser. Pinaniniwalaan din naman ng mga fan ni Vice Ganda at niyong JaDine na ang gross reports na inihaharap nila sa publiko ang mas up to date, at sila na nga ang top grosser.
The point is walang nagsisinungaling sa kanilang dalawa. Inaangkin ng AlDub na sila ang top grosser base sa local sales. Inaangkin naman niyong kabila na sila ang top grosser dahil kasama roon ang kanilang gross earnings pati na sa foreign screenings. Naipalabas na kasi ang pelikula nila sa isang screenings sa mga Pinoy communities sa abroad.
Tama bang sabihin na hindi dapat kasali iyong kinita sa abroad? Wala kasing defined parameters iyang pagkuwenta nila ng gross. Kung iisipin mo pareho naman silang mali eh. Dahil iyan ay Metro Manila Film Festival at ang ibabalik lang naman ng gobyerno sa beneficiaries, kabilang na ang Optical Media Board na isang ahensiya rin ng gobyerno at sa social fund ng Presidente ng Pilipinas, ay iyong amusement tax na nakuha sa Metro Manila, hindi dapat kasali sa kuwenta ang kinita ng mga pelikula hanggang probinsiya at lalo na iyong kinita abroad. Pero dahil isinama ng MMDA sa kuwenta nila ang listahan ng kita sa probinsiya, ano naman ang makapipigil sa ABS-CBN na idagdag din ang kita nila abroad?
Hindi rin naman nila kasalanan iyong may kakayahan silang magpalabas sa abroad agad habang iyong iba ay wala, o hindi aware na maaari palang gawin iyon.
Dapat defined ang parameters. Iyong kinita lamang sa Metro Manila, na siyang basehan ng ibibigay nila sa beneficiaries ang dapat na kasali. Palalabasin nilang napakalaki ng kinita nila, tapos barya lang ang matatanggap ng beneficiaries dahil sa Metro Manila amusement tax nga lang ang hahatiin at napakarami pang maghahati. Ewan naman kasi kung bakit nakiki-arbor pa riyan iyang OMB at iyong Presidential social fund. Idagdag mo pa riyan iyong sinasabing “cash gifts” na natatanggap ng ilang opisyal ng MMDA. Lumabas iyan sa imbestigasyon ng senado noong 2008.
HATAWAN – Ed de Leon