SA magkasunod na taon, muling nakopo ni Jennylyn Mercado ang Best Actress trophy para sa pelikulang Walang Forever sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF) awards night na ginanap sa Kia Theater noong Linggo. Kasabay nito, ang pagtanghal bilang Best Actor sa kanyang kaparehang si Jericho Rosales.
Namayani rin ang Walang Forever sa MMFF 2015 dahil limang major awards ang nakuha nila kasama na ang Best Picture, Best Screenplay—Paul Santa Ana, at Best Original Story (Dan Villegas at Antoinette Jadaone).
Si Mercado rin ang naitanghal na Best Actress noong isang taon para sa pelikulang English Only Please na idinirehe rin ni Dan Villegas.
Limang tropeo rin ang naiuwi ng Nilalang ni Pedring Lopez na pinagbibidahan nina adult film star Maria Ozawa at Cesar Montano, ito ay ang Best Editing, Best Cinematography, Best Festival Sound—Ditoy Aguila, Best Festival Musical Score—Jessie Lazaten, at Best Festival Visual Effects.
Nag-uwi rin ng limang award ang Honor Thy Father ni Erik Matti na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz ito ay ang Best Director, Best Child Performer—Krystal Brimmer, Best Festival Original Theme Song—Tao, Best Festival Make Up Artist—Ryan Panaligan & Ericka Racela, at Best Supporting Actor para kay Tirso Cruz III.
Dalawang award naman ang naiuwi ng Buy Now, Die Later ni Randolph Longjas, ito ay ang 2nd Best Picture at Best Production Design samantalang ang My Bebe Love ang nag-uwi ng 3rd Best Picture award, Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural award, at ang Best Supporting Actress award para kay Maine Mendoza.
Ang Ari: My Life with a King naman ang nakapag-uwi ng karamihang award sa New Wave Category, ito ay ang Best Actor para kay Francisco Quinto, Full Feature Best Picture at Full Feature Best Screenplay.
Narito naman ang mga nagwagi ng Special Awards—Best Float—Buy Now, Die Later; FPJ Memorial Award for Excellence—Walang Forever; Male Celebrity of the Night—Cesar Montano; Female Celebrity of the Night—Jennylyn Mercado.
Sa New Wave Entries para sa Full Feature Category, si Thou Reyes ang nag-uwi ng Best Supporting Actor trophy para sa Toto; Best Supporting Actress naman si Bibeth Orteza (Toto); Best Actors—JM De Guzman (Tandem) at Francisco Quinto (Ari: My Life with a King); Best Screenplay—Ari: My Life with a King; Best Director—John Paul Su (Toto); Special Jury—Toto; Best Picture—Ari: My Life with a King; Manila Bulletin Entertainment Best Full Feature Film—Ari My Life with a King.
Sa Animation Category para sa New Wave Animation Special Jury Prize, ang Little Lights (Rivelle Mallari) ang nagwagi at sa New Wave Best Animation Picture ay ang Buttons (Marvel Obemio, Francis Ramirez & Jared Garcia); Manila Bulletin Entertainment Best Short Film Award—Momento; Manila Bulletin Entertainment Best Animation Film Award—Geo.
At sa Student Short Film Category binigyan ng Special Jury Prize ang Daisy (Brian Reyes) at Best Short Picture naman ang Mumu (Jean Cheryl Tagyamon).