PROUD ang Japanese actor-producer na si Jacky Woo na mapabilang sa pelikulang Felix Manalo na pinagbibidahan ni Dennis Trillo. Sa tulong ng interpreter niya, sinabi ni Jacky na, “Malaking pelikula at historical ang ‘Felix Manalo’. At saka natutuwa akong makatrabaho si Dennis Trillo dahil magaling siya.”
Ano ang role niya sa Felix Manalo?
“Rito sa pelikulang ‘Felix Manalo’, kung ano sasabihin ng mga kagaya ko Hapon, susunod lang ako bilang sundalo. Kasi, kailangan may discipline at susunod sa mga officer, ang mga nakatataas sa akin,” wika pa ni Jacky sa balu-baluktot na pagta-Tagalog.
Higit 10 taon na raw gumagawa si Jacky ng pelikula sa Pilipinas dahil gusto niya ang ating bansa at ang mga katrabaho niya rito. “Siyempre I like this country, maybe kalahati puso (ko) Filipino. May bahay na rito, maybe rito mag-stay. I like itong Pilipinas at itong showbiz. Gusto ko lagi mag-work dito sa showbiz.”
Sa ngayon, sinabi ni Jacky na ayaw na muna niyang tumanggap ng action movie, dahil mas gusto raw niyang makilala bilang dramatic actor. Bukod sa Felix Manalo, bida at producer si Jackie sa pelikulang Tomodachi ng Global Japan Incorporated na kanyang pag-aari. Ito’y mula sa direksiyon ni Joel Lamangan at pinagbibidahan din nina Eddie Garcia, Bela Padilla, Pancho Magno, at Hiro Peralta.
Incidentally, ang bio-epic movie na Felix Manalo ay showing na ngayong October 7, 2015 sa higit 300 sinehan. Ang pelikula ay ginastusan ng P150-M at ginamitan ng higit 7,000 artista at ekstra.
Bukod kay Dennis, tinatampukan din ito nina Bela Padilla, Mylene Dizon, Gabby Concepcion, Jaclyn Jose, Snooky Serna, Gladys Reyes, Yul Servo at iba pa. Tatangkain din ng Felix Manalo na sirain ang kasalukuyang Guinness World Record para sa largest audience attendance sa isang film premier at screening na magaganap sa October 4 sa 55,000 seater na Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Base sa google, ang pinakamalaking attendance sa isang film screening ay nakapagtala ng 28,442 katao at nakamit ng pelikulang Stars and Stripes Honor Flight (USA) para sa world premiere ng documentary feature film na ito sa Miller Park Stadium sa Milwaukee, Wisconsin, USA noong August 11, 2012.