NOONG isang araw, inabot kami ng malakas na ulan sa isang mall. Wala naman kaming mapuntahan, lumapit kami sa sinehan at nagtanong sa takilyera kung anong sinehan ang pinakawalang tao dahil ayaw namin ng masikip, alam namin unang araw iyon ng palitan ng mga pelikula.
Inirekomenda sa amin ng takilyera iyong Heneral Luna, na ang sabi pa, ”ito na lang po sir, kasi iyan ang pinakawalang pumapasok at saka mura lang ho ang admission niyan P196.” Mukhang tama naman ang sinabi niya dahil wala ngang tao, at nang bilangin namin ang mga nakasabay naming lumabas sa sinehan pagkatapos ng pelikula, 12 lang pala kaming lahat.
Pero nakahihinayang ha, kasi maganda ang pagkakagawa ng pelikula. At maski na sa simula ay inamin niya na iyon ay base sa totoong pangyayari pero may mga bahaging fiction na kailangan nilang gawin para pagandahin ang pelikula, naroroon naman ang mahahalagang data ng buhay ni Heneral Luna.
Makatotohanan ang pagpapakita nila ng makahayop na pagpaslang na ginawa ng mga sundalong taga-Cavite na mga bodyguard ni Emilio Aguinaldo kay Heneral Luna. Kasama na roon ang pagtatanong ng nanay ni Aguinaldo mula sa bintana kung ”nagalaw pa ba iyan.”
Naroroon din ang ‘di gaanong pinahalagahan sa mga tala ng kasaysayang pagtataka ni Tinyente Manuel Quezon ng Tayabas, kung bakit maiiwan ang mga sundalo ni Aguinaldo sa Cabanatuan gayung paalis siya. Iyon ang medyo fiction, pero makatotohanan na natawa sina General Otis at General Arthur MacArthur dahil sa sinabi nilang ”they killed their best general”.
Pero sa mga artistang kasali sa pelikula, ang nakatawag ng aming pansin ay iyong si Aaron Villaflor. Mahusay ang acting niya sa pelikula bilang isang peryodistang sumusunod sa mga ginagawa ni Heneral Luna. Napansin naming una ang acting niyang si Aaron noong mapanood namin sa big screen ang mga initial episode ng kanyang seryeng All of Me. Sa totoo lang, nakaagaw siya ng atensiyon sa seryeng iyon. Diyan sa Heneral Luna, magaling na naman siya. Pero mabuti sa All of Me, marami ang nakakapanood sa kanya. Roon sa Heneral Luna, siguro ay iilan lang.
ni Ed de Leon