NAGPALIWANAG si Aiko Melendez kung bakit ayaw na niyang magbigay ng tulong sa half brother na si Jam Melendez na anak ni Deborah Sun.
Sinasabihan raw siya ngayon na umano’y walang kuwentang kapatid.
Ani Aiko, alam daw ng buong Pilipinas noong time na nagka-trouble ang brother niya, siya ang nagpiyansa para makalabas ito at binigyan niya ng lawyer at inalagaan. Kahit half brother daw niya ito, kadugo pa rin niya.
Bago raw mamatay ang tatay nila ay sinabihan siya na ‘wag pakialaman si Jam dahil may sarili itong buhay at may mommy pa naman ito at nirespeto niya ‘yun.
Noong magkasama raw sila ni Deborah sa Reputasyon, sinabi na niya rito ang drug problem ni Jam at sinabi rin niyang dapat nang ipa-rehab ang kapatid.
“Sinubukan ko na bigyan ng pera ang kapatid ko pero ibinibili niya ng drugs. Second instance, binilhan ko ng grocery, sadly ibinenta, ipinambili ng drugs. So ako, bilang ate, kung ako iisipin ko na ‘yung kapatid ko ay lulong na sa bawal na gamot, anong iisipin ninyo? ‘Di ba ‘yung long term, hindi ‘yung panandalian?” bulalas ni Aiko.
Dumating ‘yung time na laging humihingi ng pera si Deborah at si Jam kay Aiko.
“Kahit minsan na hirap na ako, alam naman natin ‘yan na dalawa na ang anak ko, may sarili akong pamilya. I am a breadwinner, for a time wala akong projects dahil nasira ‘yung mukha ko. Akala kasi ng tao, sobrang yaman ko, na marami akong pera. Mukha siguro akong mayaman dahil ang dami kong freckles, mukha akong mayaman dahil mestiza ako, but you know this is the real life, hindi ka palaging okey, financially, physically.
“Noong sinabi sa akin ni Mother Ogie (Diaz) ‘yung sitwasyon ng kapatid ko na nasaktan niya physically si Ate Gigi, kung kayo rin naman ‘di ba..ibalik ko naman sa inyo ‘yung sitwasyon ko, ang kapatid ko wala sa tamang pag-iisip ngayon. Sorry kung emotional ako ngayon dahil kapatid ko ito. Hindi ako close sa kanya pero at the end of the day, sinong tutulong diyan, kapatid ko ‘yan, eh, ako ate ,eh.
“Noong isang araw nga nagdasal ako sa papa ko. Sabi ko, ‘Papa, ang unfair naman, iniwanan mo ako ng maaga tapos iniwanan mo ako ng problema… na ang kapatid ko adik, wala akong magawa.’
REHAB, SOLUSYON KAY JAM
“Gusto ni Jam mangyari is magharapan kami ngayon. Okay. Ayokong humarap sa kapatid ko because wala siya sa tamang pag-iisip. Kung ang nanay niya nasaktan niya physically,what more ako ate lang?
“Eh, gusto niya ako magdala mismo sa rehab. Eh, paano kung nasaktan ako ng kapatid ko physically? Na-mental block siya, mai-explain ba ng kapatid ko sa dalawang anak ko na wala ng bubuhay sa kanila? Sana intindihin naman nila ako, may pamilya rin ako. Breadwinner ako ng pamilya. May mga anak din ako. Paano kung may mangyari sa akin at buweltahan ako ni Jam dahil mentally he’s not okay. Magagarantiyahan ba nina Tita Gigi ang safety ko?
“Mai-explain din ba ni Tita Gigi kung bakit napapagod na akong tumulong financially kasi nga paulit-ulit na ang kapatid ko dinadala sa masamang bisyo ang perang ibinibigay ko?
“Sinasabi ng kapatid ko napakawalang kuwenta kong kapatid dahil ayaw kong tulungan? Bakit ayaw ko siyang tulungan dahil ayaw niyang tulungan ang sarili niya, eh. Kung ayaw mong tulungan ang sarili mo, bakit kita tutulungan? May buhay din akong sarili. Sana maintindihan ng kapatid ko na rehab ang solusyon. Matagal ko ng sinasabi ‘yan. Pero gusto ko sa rehab na walang connection.
“Gusto kasi nila rehab sa Bicutan. Marami na akong mga kaibigan na napasok sa ganoong klaseng facility sa Taguig, Tagaytay, basement (sa isang ospital sa Makati) pero paglabas nila balik na naman sa dating gawi. Anong basehan niya na sabihin niyang wala akong kuwentang kapatid noong panahong kailangan niya ako, ako lang ang nandoon sa kanya pero he opted to buy drugs instead of listening to me. So ngayon, Tita Gigi, pasensiya na po, may dalawa rin akong anak na itinataguyod po. Single parent po ako, breadwinner po ako. Nagtatrabaho po ako, nagpupuyat ako araw-araw para bigyan ng magandang buhay ang mga pamilya ako. Unfair naman na sabihin nila na hindi ko tinutulungan ang kapatid ko dahil hindi totoo ‘yan. Alam ng Diyos,” bulalas pa niya.
PAANO KO TUTULUNGAN KUNG SARILI NIYA AYAW TULUNGAN
“Kung tutulungan ko kasi si Jam, gusto ko na manggaling sa kanya ang initiative. Paano ko tutulungan ang isang taong ayaw namang tulungan ang kanyang sarili?
“Kung kaya niyang i-assure sa akin na i-rehab ang kapatid ko sa isang puwesto na hindi ako mapapasama, na ‘pag nakalabas ang kapatid ko babalikan ako, sasaktan ako. Alam niyo naman ang personalidad ng adik? ‘Pag ipina-rehab ‘yan, posibleng balikan ‘yung nagpasok.”
Gabi-gabi raw ay ipinagdarasal niya si Jam. Hindi siya makatulog dahil iniisip niya kung tama bang siya ang magdala sa kapatid niya sa rehab. O, ipadampot niya sa pulis? Pero kaya ba niya na makita na ipinadadampot sa pulis ang kapatid niya? Ipit daw siya kung anuman ang solusyon na gagawin niya sa kapatid dahil reresbak daw ito laban sa kanya lalo’t iniisip nitong walang malasakit si Aiko sa kanya.
“Bilang kapatid, nasasaktan ako sa mga nangyayari sa kanya, pero minsan may kasabihan nga tayo na kailangan nating turuan siya ng leksiyon not necessarily na tikisin para matulungan natin siya. Para makapagbagong-buhay siya. Kung okay na siya at lalapit siya sa akin at sasabihing ‘gusto kong maging sa busy sa sports or studies’, tutulungan ko siya. Kahit ipangutang ko pa, gagawin ko para sa kanya,” sambit pa niya.
Pumayat na ngayon si Aiko at daring siya sa pelikulang Balatkayo na ididirehe ni Neal Tan.
TALBOG – Roldan Castro