HATAWAN – Ed de Leon .
AKALA namin isang malaking produksiyon na iyong ipinagmamalaki pa ng mga taga-Channel 7 na may gagawing drama sa kanila si Nora Aunor, kasama ang anak na si Lotlot at ang apo niyang si Janine Gutierrez. Iyon pala isang episode lamang sa isang early afternoon weekly anthology. Akala namin naglakas loob na sila, hindi pa rin pala.
Kailangan kasi may isang estasyong maglalakas ng loob na igawa si Nora ng isang matinding proyekto talaga. Noong magbalik siya, ang unang sumabak at nagbigay sa kanya ng break uli ay ang TV5, at ngayong alam na natin ang dahilan kung bakit, fan pala ni Nora ang noon ay executive ng TV5 na si Perci Intalan. Eh siya ang in charge ng programming noon, eh ‘di pagkakataon nga namang makatrabaho niya ang kanyang idol. Pero nagkaroon din naman ng problema ang TV5.
Una hindi maganda ang resulta ng kanilang unang project. Talagang ginawa naman ng network ang lahat, pero umabot lang sa 2% ang kanilang audience share. Noong tumagal na, medyo nagkaroon na rin sila ng problema sa schedule dahil kailangang magpabalik-balik sa US si Nora dahil sa plano niya noong pagpapa-opera ng lalamunan, at ilang beses din siyang nagkasakit at naospital dito sa atin. Hanggang sa natapos ang kanyang guaranteed contract sa network, mukhang hindi siya kuntento, at hindi rin kuntento ang network. Kasi kung hindi, hindi siya pakakawalan niyon. Tingnan ninyo si Derek Ramsay, hindi pa natatapos ang kontrata pinapipirma na ulit.
Matagal ng walang contract si Nora, pero walang naglakas loob sa dalawang malaking network na kunin siya. Siguro kasi may karanasan na rin sa kanya ang ABS-CBN at inilabas naman iyon mismo ni Nora sa isang magazine interview. Mabuti naman ngayon ang GMA sumubok, pero kung iisipin mo maliit na project iyan, hindi pa sa primetime.