Blacklisted na tsekwa arestado sa Mactan-Cebu airport
hataw tabloid
May 6, 2015
News
PINIGIL ng mga ahente ng Bureau of Customs (BoC) ang isang dayuhang Macau resident na hinihinalang bigtime drug trafficker sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) kamakalawa.
Ang suspect na kinilalang si Wok Iek Man, residente ng Macau Administrative Region ng China, ay dumating nitong Lunes ng tanghali sakay ng Flight 5J 241 mula Hong Kong.
Natuklasan din na sa record ng Bureau of Immigration si Wok Iek Man ay nasa Blacklist Order at nakatakda nang ipatapon sa labas ng bansa.
Nasabat sa kanya ang isang kahon na naglalaman ng tatlong kilong powder at crystal substance ng mga ahente ng Enforcement and Security Service (ESS) ng Customs na nakatalaga sa Cebu.
Dinala ang sample ng nasabat na powder pero lumabas na negatibo sa isinagawang laboratory test ng Philippine Drug Enforcement Administration (PDEA), taliwas sa suspetsang mga ipinagbabawal na droga.
Nakalusot man sa ilegal na droga, nadiskubre ng mga tauhan ng BI-Cebu na sa kanilang record ay nasa Blacklist Order ang Macau resident.
Si Wo Iek Man ay napag-alaman na “na-exclude” o nakatakdang ipatapon palabas ng bansa noong Enero 12, 2015 sa hindi pa batid na kadahilanan.
Makalipas ang dalawang araw, Enero 14, 2015, inilagay ng BI ang kanyang pangalan sa Blacklist Order o talaan ng mga dayuhan na hindi puwedeng makapasok sa bansa.
Pero lalo pang nagulat ang mga BI personnel nang ipagmalaki sa kanila ng dayuhan na “lifted” na ang blacklist order laban sa kanya noong nakaraang buwan.
Ang passport na gamit ng dayuhan ay tadtad din umano ng tatak ng paglabas-pasok niya sa bansa.
Ayon sa ilang Immigration Officer, magpapasa sila ng ulat kay Justice Secretary Leila De Lima upang maimbestigahan kung bakit agad na-lift ang blacklist order gayong tatlong buwan pa lamang ang nakararaan.
Nabatid na April 24, 2015 nang ma-lift sa blacklist order ang Macau resident na pirmado umano ni Commissioner Siegfred Mison.
Ayon sa iang Immigration official, isang taon ang pinakamaikling panahon bago mai-lift sa blacklist order ang isang dayuhan maliban kung mayroong humanitarian, economic and political consideration.
ni Jerry Yap