Saturday , December 6 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph

‘Knockout’ si Floyd hangad ng Pinoy boxing fans (Sa kamay ni Manny)

050315_FRONT

HABANG isinasagawa at hanggang matapos ang weigh-in kahapon, bumaha ang obserbasyon at kanya-kanyang forecast ng boxing fans sa radyo at sa internet.

Marami ang nagsasabing mistulang eksenang Samson at Goliath ang nasaksihan sa weigh-in kahapon nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather sa siksikang MGM Grand.

Pagpasok pa lamang ng dalawang boksingero, lumalabas na dominado ni Mayweather ang sitwasyon dahil ‘ika nga ng sportscaster, ‘taller, stronger, heavier’ kompara sa mas maliit na si Pacquiao.

Batay sa resulta ng weigh-in, tumimbang ng 146 pounds (lbs) si Mayweather Jr., habang 145 si Pacquiao.

Kung si Pacquiao ay nakasuot ng simpleng t-shirt na may nakasulat na “all glory and honor belongs to God” at shorts, naka-jacket si Mayweather na taglay ang logong TMT o The Money Team.

Habang papasok sa loob ng MGM, nagawa pang mag-selfie ni Pacquiao kasama ang kanyang entourage na napansin maging ng mga foreign media at tinalakay pa ng sportscasters.

Ilan sa mga opinyon mula sa fans sa bahagi ng Iloilo ay mukhang papuntang deathrow daw si Mayweather habang papuntang kasiyahan si Pacquiao batay sa facial expression.

Sa bahagi ng Hilagang Luzon, ilan ang nagsasabing mananalo si Pacquiao via split decision o unanimous decision habang via knock-out daw ang paniwala ng ilang taga-Mindanao.

Ilan pa sa fans ang nagbirong mananalo si Pacman sa pamamagitan daw ni Nanay Dionesia.

PALASYO KAY PACMAN: GOOD LUCK!

IPINARATING ng Malacañang ang ‘good luck wish’ para kay Manny Pacquiao na lalaban ngayong araw kay undefeated boxing champion Floyd Mayweather Jr.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, kaisa sila ng sambayanang Filipino sa pagdarasal at hangaring maipanalo ni Pacquiao ang laban kay Mayweather.

Ayon kay Valte, manalo man o matalo, mananatiling bayani at inspirasyon ang turing ng mga Filipino kay Pacquiao na nakailang beses nang nag-uwi ng karangalan sa bansa.

Una nang sinabi ni Pangulong Aquino na hindi niya mapapanood nang live ang laban nina Pacquiao at Mayweather, bagkus magtiyaga na lamang daw sa delayed telecast ng mga local television.

SOLONS KOMPIYANSA SA KABARO

KOMPIYANSA ang mga kapwa-mambabatas na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang magwawagi sa laban kay Floyd Mayweather Jr., ngayong Linggo (Sabado sa Amerika).

Walang duda si Rep. Rodolfo “Rodito” T. Albano III ng Isabela na si Pacquiao ang uuwing tagumpay dahil sa tindi ng training, bilis, lakas at buong loob sa paglaban.

Hiling din ni Deputy Speaker at Isabela Fourth District Rep. Giorgidi B. Aggabao ang lakas, bilis at swerte ng People’s Champ ngunit himok niya ano man ang kalabasan, “I hope Filipinos would remain united and proud.”

Habang mensahe ni House Deputy Speaker at Nueva Vizcaya Rep. Carlos M. Padilla, “we are praying not only for the victory but also the safety of our Pambansang Kamao Manny Pacquiao. May the Lord protect him during the entire duration of the highly- anticipated megafight.”

Suporta at dasal para sa tagumpay ang ipinaaabot nina Cebu Rep. Gwendolyn Garcia, Rep. Isidro Ungab at Rep. Karlo Alexei Nograles ng Davao at maging ni ACT-CIS Rep. Samuel Pagdilao.

KAHIT NASA TENSIYONADONG AREA SUNDALO TUTUTOK SA PACMAY FIGHT

HINDI magpapahuli maging ang mga sundalo sa panonood ng inaabangang labanang Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ipalalabas nang libre ang tinaguriang “Fight of the Century” sa lahat ng pangunahin nitong kampo sa buong bansa.

Hindi bababa sa 1,000 sundalo at kanilang pamilya ang inaasahang manonood sa AFP Grandstand.

Ang mga sugatang sundalo na nagpapagaling matapos sumabak sa laban ay bibigyan ng pagkakataong manood sa multi-purpose hall sa loob ng AFP Medical Center.

Makakasama ng mga sundalo na manood si AFP Chief of Staff General Gregorio Catapang.

Para sa 3rd Marine Brigade na nakatalaga sa Puerto Princesa City, bukod sa libreng panonood ng laban, may libre pang pagkain para sa mga sundalo at kanilang mga pamilya.

Samantala, hindi mabibigyan ng pagkakataong makanood nang live ang mga sundalong nagbabantay sa ilan sa mga pinag-aagawang teritoryo sa Kalayaan Group of Islands.

Sa kabila ng pagtutok sa labanang Pacquiao at Mayweather, hindi pa rin lulubayan ng AFP ang operasyon para tugisin ang mga nalalabi pang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.

DAHIL SA PACMAY FIGHT PNP UMAASA SA MABABANG CRIME RATE

KOMPIYANSA ang pambansang pulisya na bababa ang krimen ngayong araw kundi man zero crime rate dahil sa bakbakang Manny “Pacman’ Pacquiao at Floyd Mayweather Jr sa MGM Grand, Las Vegas, Nevada.

Gayonman, ayon kay PNP spokesman Sr. Supt. Bartolome Tobias, patuloy pa rin ang kanilang trabaho para sa kaayusan ng buong bansa.

Maalalang sa tuwing lalaban ang eight division world champion ay bumababa ang krimen sa buong bansa.

Sinabi ni Tobias, pati kasi ang mga kriminal ay siguradong tututok sa telebisyon at sa mga itinalagang free viewing ng mga lokal na opisyal upang mapanood ang tinaguring fight of the century.

“We hope to see another zero crime situation or a lull in crime incidents on Sunday but we will not let our guard down. We will continue with our police duties,” pahayag ni Tobias.

Tiniyak ni PNP OIC P/Deputy Director Leonardo Espina na suportado ng buong puwersa ng PNP ang kongresista sa pinakamalaking hamon sa kanyang career bilang boksingero.

Una nang sinabi ni Espina, na mamantsahan ni Pacman ang record ng American undefeated boxer sa pamamagitan ng knockout.

 

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Daniel Fernando Bulacan

Fernando naglabas ng EO na bumubuo sa Provincial Infrastructure Coordinating Council

UPANG matugunan ang mahigpit na pangangailangan sa paggawa ng isang Comprehensive Provincial Infrastructure Master Plan …

Bulacan SubayBAYANI Award

Patunay ng mabuting pamamahala
Bulacan, nakamit ang SubayBAYANI Award Exemplar Status para sa 2025

BILANG isang matibay na pagpapatunay ng pangako ng lalawigan ng Bulacan sa tuluy-tuloy nitong pagsunod, …

Bulacan Police PNP

11 timbog sa drug bust sa Bulacan

MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang 11 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga …

Arrest Shabu

Sa Sta. Maria, Bulacan
P3-M shabu nasamsam, HVI tiklo

ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang high value individual sa ilegal na droga habang tinatayang …

DA‑4K NFA Rice IP Occidental Mindoro

Rice-Procurement Partnership ng mga magsasakang IP at ng pamahalaan, inilunsad

ISANG makasaysayang partnership ang inilunsad kamakailan upang isama ang Indigenous People (IP) usa local rice …