PATAY ang isang factory worker habang sugatan ang kanyang dalawang anak makaraan araruhin nang nawalan ng prenong sasakyan habang nakatayo sa bangketa kahapon ng umaga sa Malabon City.
Durog ang ulo at katawan ng biktimang kinilalang si Edgar Sarmiento, 47, empleyado ng Globe Paper Mills, at residente ng 78 Melon St., Brgy. Potrero ng nasabing lungsod, sanhi ng pagkakabundol at pagkakaipit.
Habang patuloy na ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang magkapatid na sina Ednalyn, 5-anyos, at Edlyn Sarmiento, pitong buwan gulang, sanhi ng mga sugat sa iba’t bang bahagi ng katawan.
Arestado ang suspek na si Freddie Oliva, 41, driver ng Tamaraw FX (CPY-228), residente ng 298 Sitio 6, Brgy. Catmon ng nasabing lungsod, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at double physical injuries, nakapiit sa detention cell ng Malabon City Police.
Batay sa ulat ni SPO2 Francisco Verzosa, dakong 6:30 p.m. nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue at Melon St. ng nasabing barangay.
Nakatayo ang mag-aama sa nasabing lugar habang naghihintay ng masasakyan nang dumating ang rumaragasang FX na biglang sumampa sa gilid ng kalsada at natumbok ang mga biktima.
Upang mailigtas ang mga anak ay itinulak ni Sarmiento si Ednalyn at pilit na iniiwas ang sanggol na si Edlyn ngunit naipit din sila ng nasabing sasakyan.
(ROMMEL SALES)