MARAMING mga kabataan ngayon ang nagnanais mapansin at gustong magkaroon ng chance na makilala at gumawa ng pangalan sa entertainment industry. Katulad ng grupong Rcrew4U na nagmula pa sa San Pablo City at kasalukuyang gumagawa ng ingay sa dance music scene.
Binubuo ang grupong Rcrew4U ng anim na kabataang lalaki na sina Niko Alcantara, Carlos Hernandez, Nicole Reyes, Harry Hitosis, Unices Manalo, at Johncroy Lacap.
Nais nilang patunayan na hindi lang sila marunong sumayaw, kundi mayroon ding good looks na mas lalo pang nagbigay ng karapatan sa kanila na magkaroon ng puwang sa industriyang ito.
Ang grupo ay nagsilbing front act sa matagumpay na show ni Nash Aguas sa Ultimart Mall, San Pablo City. Dito ay mas napansin ang kanilang husay bilang dancers. Kaya’t after ng nasabing show ay pinagkaguluhan na sila ng fans at hindi magkamayaw ang mga ito sa pagpapakita ng paghanga at todong-suporta sa kanilang umuusbong na career.
Naniniwala naman ang kanilang manager na si Aldrin Cacayan na may magandang kapalarang naghihintay sa Rcrew4U sa mga darating na panahon. Ayon naman sa members ng grupo, mga bata pa naman sila at hindi nagmamadali para sumikat. Ine-enjoy lang daw nila ang kanilang ginagawa para mas makapagbigay ng kasiyahan sa ibang taong naniniwala sa kanilang talent.
Sa mga darating na araw ay may mga naka-line-up na out-of-town shows at TV guestings ang Rcrew4U. Hangad nilang suwertehin sa mundo ng showbiz para maging matagumpay sa kanilang napiling career.
ni Nonie V. Nicasio