HINIMOK ng isang militanteng kongresista si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino na kanselahin ang mga mining at power generation contract na iginawad sa mga Chinese corporation.
Ito’y kasunod ng pambu-bully ng China sa Filipinas sa isyu ng pinag-aagawang West Philippine Sea.
Ayon kay Anakpawis Rep. Fernando Hicap, ang pagkansela sa kontrata ng mga Chinese ang pinakamahusay na paraan kung seryoso si Aquino na ipaglaban ang soberenya ng bansa laban sa China.
Mula aniya sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo hanggang 2012, umabot na sa 26 mining corporations ang pinayagang magmina ng gold, copper, iron ore, nickel, manganese, lead at iba pang mineral sa bansa.
Ani Hicap, nag-o-operate sa 16 probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao ang naturang Chinese corporations at pinakamalaki ang operasyon sa Zambales.
Katunayan pa aniya, ang Filipinas ang pangunahing bansang pinagkukunan ng China ng nickel at iron ore.
Dagdag ni Hicap, nagagamit ng China ang mga namiminang mineral sa bansa sa paggawa ng war materials, na maaaring nagagamit pa nito laban sa Filipinas kaya mistulang iginigisa sa sariling mantika ang bansa.
Sa industriya aniya ng koryente, pagmamay-ari ng State Grid of China ang 40% ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
HATAW News Team