MAHIGPIT na tinutulan ng Immigration Officers Association of the Philippines (IOAP) ang planong quarterly rotations sa mga personnel ng Bureau of Immigration (BI) sa buong bansa, partikular sa mga immigration officer.
Ayon sa grupo, sumulat na sila kay BI Commissioner Siegfred Mison na humihiling na huwag ituloy ang pagpapatupad ng nasabing hakbangin ngunit wala pa rin tugon kaugnay nito ang nasabing opisyal.
Bunsod nito, muling nagpadala ang grupo ng letter-appeal kay Mison at nanawagan na huwag itutuloy ang planong ‘rotations’ sa mga personnel ng BI.
Anila, itinuturo umano ng administrasyon ang insidente ng human trafficking na kinasangkutan ng ilang immigration officers ang ugat ng desisyong ipatupad ang “rotate en masse” sa immigration officers mula sa isang international airport patungo sa iba pa.
Sinabi ng grupo, bagama’t ito ay itinanggi, lumalabas na ito nga ang dahilan kaya mayorya ng immigration officers na inosente ang mapaparusahan nang walang due process kasama ng posibleng may pananagutan.
Idiniin nilang malabo ang legal basis ng nasabing planned rotation dahil bagama’t indibidwal, isolated at case-to-case ang reassignments ay maaaring pahintulutan nang naaayon sa certain restrictions, ang wholesale at serye ng rotations o reassignments ay walang legal na basehan.
Bukod dito, nakasaad sa Memorandum Circular No. 2, series of 2005 ng Civil Services Commission, “Reasignment that will cause significant financial dislocation or will cause difficulty or hardship on the part or the employee becasue of geographical location” No. 7 (d), at nakasaad din na “Reassignment that is done indicriminately or whimsically because the law is not intended as a convenient shield for the appointing/disciplining authority to harass or oppress a subordinate in the pretext of advancing and promoting public interest” (No. 7 (e).
Anila, dahil ang BI ay attached agency ng Department of Justice, ang planong massive rotations na ito bilang polisiya ay dapat aprubahan ng Secretary of Justice.
Dagdag ng grupo, bagama’t ang BI ang babalikat sa gastusin sa transportasyon at accomodations ng rotated immigration officers, walang specific funding source para rito.
Wala rin anilang malinaw na panuntunan at polisiya kaya hindi malinaw sa immigration officers kung ano ang layunin at hanggahan ng nasabing hakbang.
Bunsod din anila sa maraming exceptions na lumutang, naniniwala silang hindi magiging parehas ang nasabing hakbang na posibleng magresulta sa performance and efficiency ng mga maaapektohan.
Tinukoy nila ang kaso ng reassignment ni Immigration Officer II Eddie Delima na hindi sumunod sa kanyang reassignment sa Puerto Princesa magmula nang italaga siya bilang Acting Alien Control Officer sa nasabing estasyon noong Enero 29, 2015.
Dagdag ng grupo, may nationwide opposition sa planong quarterly rotation, patunay rito ang memorandum mula sa immigration officers na nakatalaga sa Iloilo International Airport; memorandum mula kay Amando Amisola, head supervisor ng Iloilo International Airport; position paper ng immigration officers ng BI-Kalibo International Airport na umaapela sa rekonsiderasyon sa pagpapatupad ng nationwide rotation; at appeal reconsiderations mula sa Mactan-Cebu International Airport Immigration Officers.
Anila, ang rotation scheme ay binuo at ipininal ng commissioner nang walang partisipasyon at representasyon ng mga immigration officer na direktang maaapektohan ng nasabing hakbang.
Malinaw na paglabag ito sa konstitusyon na ang lahat ng mga kawani ay may karapatan na lumahok sa mga patakaran at pagpapasya na makaaapekto sa kanilang karapatan at benepisyo itinatakda ng batas. (JSY)