TULUYAN nang ipinawalang bisa ng Korte Suprema ang kasunduan ng Commission on Elections (Comelec) at ng Smartmatic-TIM para sa P300 milyon diagnostics and repair ng nasa 80,000 Precinct Count Optical Scan (PCOS) na gagamitin sa 2016 elections.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Theodore Te, kasabay ng summer session sa Baguio City, kinatigan ng kataas-taasang hukuman ang inihaing petisyon ng Automated Elections System at Integrated Bar of the Philippines laban sa Comelec-Smartmatic deal.
“The petitions are granted. Comelec Resolution 9922 and the Extended Warranty Contract Program 1 are declared null and void,” ayon kay Te.
Nabigo aniya ang Comelec na idepensa ang ginawa nitong direct contracting.
Binigyang-diin ni Te na “immediately executory” ang naging kapasyahan ng Korte Suprema.
Una nang iginiit ng grupo ng petitioners sa pamumuno ni Bishop Broderick Pabillio, na inabuso ng Comelec ang kapangyarihan nito nang maglabas ng Resolution 9922 pabor sa Smartmatic kaugnay ng extended warranty proposal na nagkakahalaga ng P300 milyon.
NO-EL SCENARIO ‘DI MANGYAYARI — COMELEC
TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na hindi mangyayari ang “no-elections” scenario kahit pa ipinawalang-bisa ng Korte Suprema ang kasunduan ng komisyon at ng Smartmatic-TIM para sa P300 milyon deal para sa diagnostics and repair ng 80,000 Precinct Count Optical Scan (PCOS) na gagamitin sa 2016 elections.
Kasabay nito, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez, tatalima sila sa naging kapasyahan ng Korte Suprema.
Ngunit sa oras na makuha ang kopya ng ruling ng hukuman ay pag-aaralan ng Comelec kung maaari pang maghain ng motion for reconsideration.