INIREKOMENDA ni Senator Grace Poe kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima na mag-file muna siya ng administrative leave habang iniimbestigahan ang kanyang kaso.
Sa budget deliberations sa Senado, umapela si Poe kay Local Government Secretary Mar Roxas na gumawa ng rekomendasyon sa presidente para sa gagawing administrative leave ng heneral.
Inihambing ni Poe ang tatlong senador na sinuspinde para hindi maimpluwensiyahan ang pagdinig sa kanilang kaso.
Ang mga senador na tinutukoy ni Poe ay sina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile na humaharap sa plunder at graft charges kaugnay ng multi-billion pork barrel scam na sinasabing minanipula ni Janet Lim Napoles.
Nabatid na si Purisima ay nahaharap sa kasong plunder, bribery at graft charges dahil sa maanomalyang pagpapatayo ng rest house sa Nueva Ecija at ang renovation ng PNP chief’s official quarters sa loob ng Camp Crame.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
PURISIMA MULING IDINEPENSA NI PNOY
HINDI matakaw at hindi rin maluho si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima.
Iyan ang pagkakakilala ni Pangulong Benigno Aquino III kay Purisima na halos tatlong dekada na niyang kaibigan.
“The way I know Alan… I have known him since 1987, I have never seen him na maluho o matakaw,” sabi ng Pangulo sa ginanap na media briefing kahapon sa New York City, USA makaraan dumalo sa United Nations Climate Change Summit Plenary 2014.
Sa pangalawang pagkakataon ay ipinagtanggol ng Pangulo si Purisima sa gitna ng mga alegasyon na nagpayaman sa pwesto makaraan sampahan ng kasong plunder, graft at indirect bribery sa Ombudsman ng Coalition of Filipino Consumers.
Gayon man, gusto pa rin ng Pangulo na makita ang mga detalye ng reklamo laban kay Purisima, pagbalik niya sa bansa mamayang gabi mula sa dalawang linggong Europe at US trip.
Unang idinepensa ng Pangulo si Purisima sa ginanap na agenda setting dialogue sa Palasyo kamakailan. (ROSE NOVENARIO)