MAKARAAN ang 31 taon, aminado si Pangulong Benigno Aquino III na gusto niyang maghiganti kay dating Pangulong Ferdinand Marcos at mga alipores ng dating presidente nang paslangin ang kanyang ama na si Sen. Ninoy Aquino pagbalik sa Maynila mula sa Amerika.
Sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community sa Robsham Theater sa Boston College kahapon, sinabi ng Pangulo, bilang tanging anak na lalaki ng pinatay na senador, gustong-gusto niyang gapiin si Marcos at mga kakutsaba na tila mga ‘asong ulol’ na hindi na tumatanggap ng katwiran.
”As the only son, I felt an overwhelming urge to exact an eye for an eye. Mr. Marcos and his ilk were like rabid dogs who had lost all reason. There was no longer any potential for dialogue; the only solution when confronted by a rabid dog is to put it down,” aniya.
Batid aniya na mapanganib na kaaway si Marcos, ngunit ng sandaling iyon, gusto niyang iparanas sa diktador ang pinsalang ginawa sa kanilang pamilya.
“I knew that he was a formidable foe, but regardless of this, in those moments, all I wanted was to do to Mr. Marcos as he had done unto us,” dagdag niya.
Ngunit ang poot at ngitngit na naramdaman niya ay pinakalma ng kaibigan ng kanyang ama na si dating Consul Takeo Iguchi na nagpayo sa kanya at sinabing umaasa ang sambayanang Filipino sa kanilang mag-ina.
”And it was there that the idea began to take root, that you cannot make decisions just for yourself,” sabi pa niya.
Sa kanyang unang pagbisita sa Boston mula noong 1983 ay nagpasalamat siya sa mga kaibigan na nagkaloob ng kanlungan sa kanilang pamilya, malayo sa panggigipit ng diktadurang Marcos.
“It was in Boston, thanks to all our friends, that my family was given a haven from the persecution of the dictatorship; it was here where we were given a sense of normalcy in what can only be described as abnormal times back home,” aniya pa.
Dumating sa US si Pangulong Aquino kamakalawa para sa limang araw na working visit.
ni ROSE NOVENARIO
MARCOS DAPAT SA LIBINGAN NG MGA BAYANI
SINUPORTAHAN ni Sen. Chiz Escudero ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ani Escudero, ano mang negatibong akusasyon kay dating Pangulong Marcos, hindi aniya maikakaila na bukod sa naging sundalo ang dating pangulo ay maliwanag na naging pangulo rin siya ng bansa.
Dahil sa pagiging sundalo at pangulo aniya ay nararapat malagak ang labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani at magawaran nang angkop na burial rites.
Umaasa si Escudero na kung malabo man ito sa ngayon, darating din ang panahon na malalagay sa angkop na libingan ang labi ng dating Pangulo.
Nabatid na mismong si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang tumututol sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
P14.8-M GASTOS SA US TRIP NI PNOY
UMABOT sa P14.8 milyon ang gastos ng gobyerno sa pagbisita ni Pangulong Benigno “Noy-noy” Aquino III sa Amerika.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, kasama rito ang gastos sa pagkain, transportasyon at mga equipment ni Aquino at ng kanyang delegasyon.
Sa Amerika, muling nahikayat ng mga negosyante ang Pangulo para mamuhunan sa bansa. Nagbigay rin siya ng talumpati sa United Nations Climate Change Summit. Unang bumisita ang Pangulo sa Spain, Belgium, France at Germany at halos P32 milyon ang ginastos ng gobyerno rito.