GENERAL SANTOS CITY – Arestado ang isang lalaki makaraan makompiskahan ng tinatayang P3 milyong halaga ng ecstacy sa buy bust operation kamakalawa ng gabi ng PDEA-12 sa national highway ng Brgy. Lagao sa lungsod.
Kinilala ang suspek na si Sonny Molle, ng Brgy. San Isidro, nakompiskahan ng maraming plastic bag ng mga tableta na kompirmadong mga ecstacy.
Habang nakatakas ang kasama niyang si Bombi Dela Cruz.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni PDEA-12 PIO, PO1 Vince Lacheca, ang naturang illegal na droga ay galing sa Davao at dadalhin sana sa Boracay upang ibenta, ngunit nagkaproblema kaya’t sa GenSan muna sinubukang ibenta.
Sinasabing nagkakahalaga ng P1,000 hanggang 1,200 ang bawat isang tableta ng ecstacy na pinaniniwalaang mula pa sa ibang bansa.
Kalimitang ibinibenta sa mayayamang tao ang ecstacy upang maging ganado, mawala ang hiya, maging mas aktibo sa pakikipagtalik at iba pa.
Kinompirma ni Lacheca, ito ang pinakaunang pagkakataon na nakakompiska ang mga awtoridad ng naturang uri ng droga sa lungsod.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano nakapasok sa bansa partikular na sa GenSan, ang mga ecstacy.
(BETH JULIAN)