NAANTALA ng mahigit 30 minuto ang biyahe ng Philippine Airlines flight PR300 dahil sa matinding turbulence habang papalapag sa Hong Kong.
Salaysay ng aktor na si KC Montero, isa sa mga pasahero, nagpaikot-ikot muna ang eroplano sa ere habang hindi makalapag.
Nag-panic aniya ang maraming pasahero. “There was a lot of passengers screaming, running up and down the aisle, throwing up.” Isang babae pa aniya ang nahimatay.
Dagdag ni KC sa social media, sinabihan sila ng crew na kabilang sa opsyon ang paglapag na lamang sa Macau ngunit nabatid na mas masama ang lagay ng panahon doon. Kasama rin sa opsyon ang pagbalik sa Maynila.
Gayon man, makalipas ang 30 minutong pagkabinbin sa ere, nagawa aniya ng piloto na mapalapag nang maayos ang eroplano.
Pinuri at pinasalamatan ni KC ang piloto ng PAL.
Habang sa pahayag ng PAL, itinanggi nito ang kumalat sa social media na nagkaroon ng emergency landing ang naturang eroplano.
Naantala aniya ng 55 minuto ang biyahe dahil sa air traffic congestion.
“Our highly skilled pilots have the capability to handle the flight amidst rough weather conditions,” giit ng PAL.
Dakong 8:08 a.m. nitong Martes umalis ng Maynila ang eroplano at nakalapag sa Hong Kong dakong 11:05 a.m. Lulan nito ang 312 pasahero.