HINILING ng motorcycle riders organization sa Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa isang ordinansa na nagbabawal sa mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Dakong 7:00 a.m., nag-motorcade ang Motorcycle Riders Organization patungong City Hall mula C5 Julia Vargas, bilang pagpapakita ng protesta sa Ordinance No. 550.
Agad tinungo ang RTC, kasama ang Arangkada Alliance, para pigilan ang kaliwa’t kanang implementasyon ng checkpoints laban sa “riding in tandem” o kapwa lalaki na magkaangkas sa motorsiklo.
Giit ng grupo, hindi makatarungan na ipagbawal sa siyudad ang higit isang lalaking sakay ng motorsiklo na hindi mag-ama o magkapatid.
Ayon sa grupo, karapatan ng mga rider na iangkas ang sino man na kanilang naisin.
Binigyan-diin ng grupo, hindi solusyon ang ordinansa para malansag ang riding-in-tandem criminals bagkus ang mas matinding intelligence gathering ang nararapat.
Gayon man, iginagalang ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at ng City Council ang karapatan ng grupo at ang inihaing petisyon. (JAJA GARCIA)