NAIS ni Sen. Teofisto Guingona na palawigin hanggang anim taon ang kasalukuyang tatlong-taon termino ng barangay officials.
Sa Senate Bill No. 2390 ni Guingona o An Act Extending the Term of Barangay Officials to Six Years, layon nitong matulungang maipagpatuloy at maimplementa ang mga proyekto sa mga barangay.
Nakasaad din sa panukala na layunin nitong mapagyaman pa ang mga programa at pagsasanay na ibinibigay sa mga barangay officials lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa disaster risk reduction management.
Naniniwala si Guingona na higit na malapit sa mga residente ang barangay officials at alam nila ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang barangay.
Bukod aniya na lalong makapagpo-focus ang mga barangay officials sa kanilang long term service goals, ay makatititipid din ang pamahalaan kung tuwing ika-anim na taon idaraos ang barangay elections imbes na ikatlong taon.
Nakasaad din sa panukala na hanggang two consecutive six year terms lamang ang barangay officials.
Ibig sabihin, kapag nakadalawang termino na sa pagiging barangay chairman o kagawad, hindi na maaaring kumandidato sa kaparehong posisyon.