MAGHAHAIN ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema ang Knights of Rizal kontra sa Torre De Manila condominium na ‘photo bomber’ sa monumento ni Gat Jose Rizal.
Nakabuo nitong weekend ng draft ng petisyon, ayon kay Xiao Chua, miyembro ng Knights of Rizal.
“Anytime this week ay ibibigay, ipa-file po namin ‘yan sa Supreme Court ng Filipinas,” pahayag ni Chua.
Umaasa ang grupo sa positibong tugon mula sa Kataas-taasang Hukuman.
Giit ni Chua, simbolo ng Filipinas sa mundo si Rizal at ang monumento. Hindi lamang aniya ang bansa kundi maging ang mga world leader ay nagbibigay-pugay rito.
“Para sa amin sagradong lugar po ‘yung monumento ni Gat Jose Rizal at hindi lang po ‘yan, ‘yung mismong parke ng Bagumbayan.
“Hinugasan po ‘yan ng dugo ng mga bayani natin na namatay d’yan para sa kalayaan, binitay po d’yan tulad ng GomBurZa, mga Katipunero.”
Nakalulungkot aniyang natuloy ang proyekto kahit may mga paglabag ito.
“Ang nakita namin dito, may flaw o may kakulangan ang ating mga national law sa pagpo-protect sa national heritage,” ani Chua.
Nilinaw ng grupo na hindi sila kontra sa pag-unlad, lalo’t sinasabing isinaalang-alang ng Maynila ang kita mula sa condo, ngunit “may mga bagay na sagrado sa bansa na sana’y ingatan natin.”