DUSA ang inabot namin sa trapik nang dumalo kami sa album launching ni Angeline Quinto para sa album niyang Sana Bukas Pa Ang Kahapon soundtrack sa 19 East Grill Sucat, Paranaque City noong Huwebes ng gabi dahil sa sobrang trapik na mahigit tatlong oras with matching gutom pa.
Plano talaga naming kumain muna bago pumunta sa venue ni Angeline kaso minadali na kami para umabot daw sa gig ng Queen of Teleserye Theme Songs. Kaya naman gutom na gutom ang lahat ng imbitadong entertainment press nang dumating sa venue ng launching ni Angeline bukod pa sa nagpuntahan sa banyo.
Mabuti na lang at super-asikaso sa amin si Kate Valenzuela, Adprom manager for Music ng Dream-scape Entertainment at kaibigan ni Angeline kaya nawala na rin ang irita namin sa trapik at gutom. Natuwa rin kami kay Angeline dahil maski na hindi kami nagkikita ay kilala pa rin kami.
Bagamat second set na lang ang inabutan namin sa gig ni Angeline ay naaliw na rin kami kasi hindi pa rin nawawala ang pagka-kikay ng singer/actress pagdating sa stage. Hindi pa rin nagbabago si Angeline, taklesa pa rin, nabago lang ang pananamit niya at hitsura kasi gumanda at babaeng-babae na sa makapal niyang make-up.
Sayang at hindi namin narinig na kantahin niya ang nilalaman ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon soundtract kasi kinanta na raw niya sa first set.
Samantala, mapapanood ang singer/actress sa Angeline Quinto Sings Themes From Sana Bukas Pa Ang Kahapon live show sa 19 East Bar & Grill tuwing Huwebes ng gabi mula Hulyo 3 hanggang Agosto 21 (Hulyo 10, 17, at 31, at Agosto 7, 14, at 21).
Ang entrance fee sa show na sa ilalim ng produksiyon ng Star Records, Cornerstone, at Dreamscape Entertainment TV ay nagkakahalagang P500. Ito ay may kasamang kopya ng album.