ni Alex Datu
SA grand presscon ng Dyesebel na ginanap sa Dolphy Theater ay natanong si Anne Curtis kung hiniling ba nito sa ABS-CBN na siya ang kumanta ng theme song ng teleserye na kinanta ni Yeng Constantino?
“Hindi naman dahil mahirap naman ‘yung nagda-drama ako pagkatapos boses ko ang maririnig. Pero may gagawing soundtrack ang ‘Dyesebel’ at mayroon akong iisang kanta roon at ito ay tungkol sa karagatan, pagkakaibigan, at kalikasan. Masaya na ako roon.”
Sa mga nakapanood ng original version ng Dyesebel na bida si Edna Luna ay may eksenang kumakanta ito sa isang malaking bato na nasa dalampasigan at dito sila unang nagkita ni Fredo na ginampanan ni Jaime dela Rosa at dahil sa mala-anghel nitong boses ‘di siya nahanap ng bidang lalaki. Kaya natanong namin si Bossing Deo Edrinal kung pumayag ba ang pamilyang Mars Ravelo na baguhin ang takbo ng istorya para maging angkop sa kasalukuyang panahon? Walang problema sa naiwanang pamilya ng Hari ng Pinoy Komiks, katunayan, masaya sila dahil ginawa ngayon ang Dyesebel na eco-friendly o may konek sa prevention ng ating kalikasan.
Napag-alaman na kaya si Anne ang napiling bida ay dahil sa taglay nitong ‘ika nga, a mixture of innocence and sensuality. Taglay nito ang nasabing katangian. Nagkaroon pa nga ng survey at nag-number one ang aktres sa listahan ng artista na puwedeng gumanap na Dyesebel. Kaya, tiyak ikadedesmaya ito ng mga basher na nagsasabing hindi bagay sa aktres ang gumanap ng sirena dahil matanda na ito para sa nasabing role.