ni Nonie V. Nicasio
MALAKING bagay para kay KC Concepcion ang tinanggap niyang karangalan sa nagdaang 30th Star Awards for Movies ng Philippine Mo-vie Press Club (PMPC) last Sunday. Bukod kasi sa ito ang kauna-unahang Best Actress award ng dalaga ng Megastar na si Sharon Cuneta, pawang mga bigatin ang mga aktres na naungusan ni KC.
Kabilang sa tinalo ni KC ang mga award winning at premyadong aktres na sina Nora Aunor (Ang Kuwento Ni Mabuti), Batangas Governor Vilma Santos (Ekstra) at Lorna Tolentino (Burgos). Ang ilan pa sa mga nominado para sa Best Actress award ay sina Ms. Rustica Carpio (Ano Ang Kulay Ng Mga Nakalimutang Pangarap?) at Angel Locsin and Bea Alonzo (Four Sisters And A Wedding).
Nanalo si KC ng nabanggit na karangalan para sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Boy Golden: Shoot To Kill, The Arturo Porcuna Story na pinagbidahan ni Laguna Governor ER Ejercito.
Wala si KC sa Solaire Hotel upang tanggapin ng personal ang kanyang tropeo mula sa PMPC dahil kasalukuyan siyang nag-aaral sa Amerika.
Samantala, sa pamamagitan ng social media naman nagpahayag ng kanyang pasasalamat si KC sa kanyang pagkapanalo bilang Best Actress.
Unang nag-post sa kanyang Instagram account na @xtina_ontherocks ang aktres. Naka-post dito ang Star Awards trophy ni KC with matching caption na:
“This Best Actress award is dedicated to my mother & to ALL my fans who never left my side, who truly believe in me & continue to inspire me. Can’t wait to hold you, baby… #ToGodBeTheGlory #PMPCStarAwards #MarlaDee #BoyGolden #BestActress”
Nag-post din ng pasasalamat ni KC sa kanyang Twitter account.
Ayon kay KC, galing siya sa simbahan nang mabasa ang text message ni Toni Gonzaga na nagbalitang siya ang nanalo bilang Movie Actress of the Year sa Star Awards. Isa si Toni sa mga host ng naturang awards night.
Anyway, sulit ang pagiging daring ni KC sa Boy Golden dahil kung noon ay pinupuri lang siya sa husay ng acting niya, ngayon ay inaani na niya ang bunga ng kanyang ipinakitang astig na performance sa pelikula nilang ito ni Gov. ER.