MAWALANG galang na po sa mga nakipag-PICNIC, este sumali pala sa EDSA People Power Revolt 28 taon na ang nakararaan.
Naisahan po tayong lahat.
Kung tutuusin, pawala na talaga sa poder ang Apo Ferdie Marcos noong mga panahong ‘yon. Malala na rin ang sakit ng diktador. Hindi ba’t dalawang taon matapos lumayas ang pamilya Marcos ay namatay din siya sa Hawaii? Sa madaling salita, mga kanayon, hindi na nakapaghintay ang mga NANGIGIGIL sa kapangyarihan noon na palitan agad si Makoy kaya’t pikit-mata at lakas loob na bumaligtad sina Juan Ponce Enrile at mga amuyong nila. Bukod sa lumalalang karamdaman, patuloy na bumabaho na rin ang pangalan ni Makoy matapos ang malawakang dayaan sa halalan nang tapatan siya ng balo na si Cory Aquino na naging pangulo rin ng bansa.
Sa totoo lang, hindi spontaneous o biglaan ang EDSA I. Planado ito ng mga nasagasaan ni Gen. Fabian Ver na hindi naman tapos ng Philippine Military Academy pero siyang naging Chief of Staff. Malaki ang hidwaan noon sa loob ng armed forces. Tila isang bombang naghihintay lamang sumabog ang sitwasyon noon.
Ang tanong: Ano ba ang mga pagbabagong idinulot ng EDSA I? Sa aking pananaw, mas lumala pa ang sitwasyon natin ngayon kaysa noong mga panahong ‘yon. Oo, nagkamal at nagnakaw ang pamilya Marcos at mga crony nila. Ang yaman ng bansa halos ay nasa iilang tao lamang. Pero tingnan natin ngayon. Mula nang may DEMOKRASYA na raw tayo, naging MALAYA ang lahat. Malayang magnakaw, malayang pumatay, malayang mandambong, malayang mag-snatch at malayang manakit. Walang kinatatakutan ang kriminal sa loob at labas ng gobyerno ngayon. Ang mga inaasahan nating mga lider ng bansa sa Senado, Tongreso at Malakanyang ay sila pang mga nagpasasa sa kaban ng bayan.
Aba! Noong panahon ni Makoy, walang ganyan kalaking PORK BARREL SCAM! Wala rin mga kaso ng pagpatay ng mga mamamahayag. Walang kaba kung maglalakd ka sa gabi at maglilibot. Hindi tulad sa panahon natin ngayon, kada labas mo ng tahanan, kaliwang paa mo ay maaring nasa hospital o nasa hukay na.
Ito ba ang KALAYAANG ipinaglaban ninyo noon? Bagamat bata pa ako noong panahong ‘yun, naaalala ko pa ang aking ama na naglagay ng isang malaking letter “L” sign sa kaniyang sasakyan. Tanong ko: “Papa, para saan ba yan?” Para raw sa pagbabago. Pero isa ang aking ama sa mga bilib sa pamamahala ni Makoy lalo na noong unang bahagi ng kaniyang pamamahala.
Lahat ng proyektong nakikita natin ngayon ay nanggaling pa kay Marcos at ngayon lang naitutuloy. Isang tunay na henyo si Apo. Isang henyong pinabagsak ng panahon at kagahamanan ng mga taong nasa paligid niya. Pinagbagsak ng mga taong nagpapahirap sa atin sa makabagong panahon.
Palit-mukha lamang ang EDSA I. Walang nagbago. Bagkus ay lumala pa ang ating bayan. Naisahan ang sambayanan. Nagamit sa makasariling interes.
Para sa akin ang tunay na diwa ng EDSA ay ito: Kayang magsama-sama ng mga Pinoy para sa iisang adhikain. Ngunit kaya rin silang linlangin.
Walang pagbabago dahil walang tunay na rebolusyon.
Joel M. Sy Egco