PARANG hindi talaga mapirmi sa isang lugar si Solomon Mercado na tila nagiging isang journey man sa Philippine Basketball Association.
Sa pagpasok ng PBA Commissioner’s Cup sa susunod na buwan, si Mercado ay lalaro sa kanyang ikaapat na koponan sa pro league.
Nagsimula ang career ni Mercado sa Rain or Shine kung saan nagig partner niya ang kaibigang si Gabe Norwood. Bilang isang Elasto Painter ay nakuha siyang miyembro ng Gilas Pilipinas.
Pero matapos na maglaro sa RP Team ay nalipat si Mercado sa Meralco Bolts.
Hindi nga lang nagtagal ang stint niya sa Meraclo dahil sa naipamigay din siya sa Globalport noong nakaraang season,
Ang akala ng karamihan ay magtatagal na siya sa Globalport dahil parang homecoming iyon kung saan nakasama niya si Mikee Romero. Hindi ba’t dati silang magkasama sa amateur league noon,
Pero noong Martes ay ipinamigay ng Globalport si Mercado sa Petron kapalit ni Alex Cabagnot.
Actually, si Cabagnot ay personal choise ng bagong Globalport coach na si Pido Jarencio. Dati silang magkasama sa Petron, e. Dating assistant coach si Pido ng Blazers na ngayon ay babalik sa dating pangalang San Miguel beer.
Well, sa San Miguel Beer ay magiging kakampi ulit ni Mercado si Chris Ross na dati niyang backcourt partner sa Meralco. Sana naman ay mas maganda na ang kalabasan ng kanilang tandem ngayon, Kasi, hindi naman umani ng tagumpay ang tandem na ito sa Meralco.
Ang maganda nga lang kay Mercado ngayon ay magkakaroon siya ng lehitimong tsansang magwagi ng kanyang kauna-unahang kampeonato sa PBA. Kasi nga, hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakatikim ng titulo sa PBA.
Hindi nga ba’t nang mawala siya sa Rain or Shine ay saka nagkampeon ang Elasto panters?
Ngayon ay umaasa ang San Miguel Beer na makakatulong sa kanila si Mercado na muling mamayagpag.
Sana!
Sabrina Pascua