SA unang pagkakataon sa Martes, ang opis-yal na petsa ng paggunita sa EDSA revolution, libo-libong katao ang hindi na makapagmamartsa sa makasaysayang highway na nagbigay sa mundo ng bagong termino: People Power.
Ngayon taon, idaraos ang okasyon sa Malacañang grounds, ayon kay Secretary Herminio Coloma ng Presidential Communications Operations Office. Tiyak na limitado lang ang puwedeng dumalo sa seremonya. Duda ako kung papapasukin ang mga common-tao sa compound ng Palasyo.
Nagdesisyon si Executive Secretary Paquito Ochoa, na namumuno sa People Power Commission, na baguhin ang venues. Bakit daw? Upang hindi na mapalubha ang trapiko sa EDSA at bilang pagkonsidera sa “situation of the people.” ‘Yung usapin sa traffic, gets ko, pero hindi ko alam kung anong “situation” ng publiko ang tinutukoy niya.
Kahit ano pa ang mangyari, tiyak na bibisita pa rin ang mga tao —hindi na daan-daang libo na gaya ng nagtipon-tipon sa orihinal na aktibidad noong 1986— sa EDSA dahil sa iba’t ibang dahilan.
May mga pupunta upang panghinayangan ang mga pangako ng EDSA na hindi natupad habang buong paghihimagsik naman magrereklamo ang iba na tinraydor sila. May mga igigiit na naulila sila ng EDSA at ang iba ay maninindigang hindi sila nabigyan ng pagkakataon upang maisakatuparan ang diwa ng EDSA.
At may mga magtatanong, gaya ng: 28 taon makalipas ang EDSA People Power, mas marami na ba’ng pagkain sa mesa kaysa dati? May hanapbuhay na ba ngayon ang mga ama at mga anak na nawalan ng trabaho? Nabawasan ba ang mga “salvaging,” kidnapping at pambubugbog? May mas marami bang okasyon ngayon para ipahayag ang ating mga saloobin? Kakaunti na lang ba ang ating pinangangambahan?
Ngunit marami sa atin, sigurado ako, ang maglalakad sa partikular na bahagi ng EDSA mula sa Cubao crossing hanggang sa Camp Crame at Camp Aguinaldo upang muling sariwain ang alaala ng matinding sandali ng rebolusyon.
Suggestion ko na muling bisitahin ng mga Pinoy ang EDSA at ipagmalaki na 28 taon na ang nakalilipas, sa abalang kalsadang iyon, ay iginuhit ang isang kasaysayan.
At tinutukan at ipinagbunyi ito ng buong mundo.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.