MAGPAPATULOY bukas (Huwebes) ang pagdinig sa P10-B pork barrel fund scam sa Senado.
Ang tanging resource person sa hearing na ito ay ang dating social secretary ni impeached President at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na si Ruby Tuason.
Si Tuason ay kabilang sa mga kinasuhan ng plunder ng Ombudsman na may kaugnayan sa pork scam. Pero isa na siya ngayong state witness na nasa ilalim ng ‘Witness Protection Program’ ng pamahalaan.
Pagkakataon na ito nina Senadores Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Bong Revilla, pawang akusado ng plunder, na komprontahin si Tuason para marinig ng publiko kung sila’y wala ngang kinalaman sa scam o politika lang ang akusasyon laban sa kanila.
Tanging sa media lamang kasi nagsasalita ang tatlong senadores. Wala raw silang ninakaw sa kaban ng bayan. Ginigipit lamang daw sila ng administrasyon para sirain ang kanilang pagkatao dahil sa nalalapit na presidential election.
Nagkaroon na rin ng pagkakataon sina Jinggoy, JPE at Revilla na tanungin ang whistleblower na si Benhur Luy na unang nagsangkot sa kanilang mga pangalan na kumukuha ng multi-million kickback sa kanilang pork barrel na pinadaloy sa mga pekeng foundations ni Janet Lim Napoles. Pero hindi sila sumipot sa senate hearing, sa halip ay iginiit nilang politika lang ang lahat.
Sa ganoon katinding akusasyon, na ikasisira ng kanilang pangalan at pamilya, bakit hindi nila kinasuhan ng perjury at libel si Luy?
Anyway, pakinggan natin bukas ang mga sasabihin ni Tuason sa senate hearing. Live sa TV networks at mga himpilan ng radyo sa buong bansa.
Sana lang ay pumunta sina Jinggoy, JPE at Revilla at harapin, tanungin at sagutin ng punto por punto ano man ang ibubunyag ni Tuason.
Sa salaysay ni Tuason, na sinundo ng NBI sa San Francisco California, sa Department of Justice at Ombudsman, sinabi niyang personal siyang nag-deliver ng kickback kina Jinggoy at JPE sa tanggapan nila sa Senado.
Tingnan natin bukas kung paano niya ito idedetalye sa senate hearing. Tutukan!
Palakasan ang pamimigay ng relief goods sa Pastrana, Leyte
– Mr. Venancio, nais ko lang ipaalam sa mga kinauukulan na dito sa Brgy. Lanauan, Pastrana, Leyte, ay hindi po lahat ng mga biktima ng bagyo ay nakatatanggap ng relief goods. Kung sino lamang ang mga kamag-anak ng aming barangay officials ang siyang nakikinabang sa mga donasyon na para sana sa lahat ng mga biktima. At tsaka laganap po ang mga sugal dito sa lugar namin. Pati mga bata marunong nang magsugal dahil hindi naman sinisita ng barangay officials. Sana po ay makarating ito kay Sec. (Ping) Lacson para maimbestigahan ang mga pangyayaring ito sa lugar namin. Pls don’t publish my number. – 0907140….
– Mr. Venancio, ang isang barangay official dito sa Brgy. Uban, Babatngon, Leyte namimili ng binibigyan ng relief goods. Yung sobra pong relief ay inuuwi sa bahay nila. Ang kapal ng mukha! – 0926486…
Ang DSWD po ang dapat mag-imbestiga tungkol sa kalokohan sa pamamahagi ng relief goods. Si Sec. Lacson ay para sa rehabilitations ng mga pabahay at kabuhayan ng mga biktima ng bagyong Yolanda.
Pinatay na tanod
sa Brgy. 92 Zone 8 (Tondo)
– Mr. Venancio, may nangyaring patayan dito sa amin sa Brgy. 92 Zone 8. Ang biktima po ay kapatid namin na isa pong tanod. Nangyari po ito noong Feb. 4 taon kasalukuyan. Hindi po kasi iniintindi ng aming Brgy. Chairwoman ang pangyayaring ito. Me nakarating po sa amin na pinatakas pa ng barangay ang suspek. Wala po kasing inaatupag ang aming (barangay official) dito kundi ang pasugalan at bookies nya sa bahay nila. Wala pang maglakas loob na ireklamo ang (brgy official) n aito kasi malakas daw po sila kay Erap. Wag nyo nalang po ilabas abg numero ko baka pag-initan ako. – Concerned citizen ng Brgy. 92 (Tondo)
Kung may suspek kayo sa pagpatay sa kapatid n’yong tanod, sabihin ninyo sa MPD Homicide para maimbestigahan at mahuli ang salarin. Tungkol sa pasugalan ng inyong barangay official, itawag ninyo sa 117. Huwag n’yo nang i-report sa police station (MPD-PS1) d’yan dahil nakatimbre ‘yan.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio