ni Nonie V. Nicasio
‘EVERYBODY deserves a second chance.’ Ganito more or less ang sentimyento ng karamihan sa netizens ukol sa pagbabalik ni Wally Bayola sa Eat Bulaga. Although may mga kumontra, naging positibo sa karamihan sa netizens ang pagbabalik sa EB ni Wally na matatandaang nawala sa longest-running noontime show ng bansa nang masangkot sa isang video scandal noong September last year.
Noong nakaraang Disyembre, dahil Pasko at itinuturing na panahon ng pagpapatawad, kumalat din ang mga balita na babalik na sa noontime show si Wally pero hindi ito nangyari.
Last Saturday, sa remote broadcast ng segment ng show na Juan For All, All For Juan na ginanap ito sa Brgy. 686, Zone 75, Paco, Manila, sinorpresa ni Wally ang lahat ng suking televiewers ng Dabarkads. Naging emosyunal si Wally sa muling pagkakabuo ng kanilang tambalan ni Jose Manalo na kasama niya segment na Juan For All, All For Juan with Paolo Ballesteros.
Matapos bumati at makahuntahan saglit si Jose, mangiyak-ngiyak na nag-sorry si Wally sa publiko. “Sa Eat Bulaga,sa mga manonood, sorry po. Sorry po sa nagawa kong kasalanan. Sana bigyan nyo pa po ako ng isa pang pagkakataon para maiayos ko po buhay ko, patawad po. Sa inyo pong lahat, sorry po.”
Itinaon sa birthday celebration ni Jose ang pagbabalik ni Wally kaya tuwang-tuwa ang una sa desisyon ng top executives ng Eat Bulaga. Sa Miyerkoles, February 12, ang 48th birthday ni Jose.
Sa puntong ito hindi malinaw kung tuloy-tuloy na ang pagbabalik ni Wally sa EB o kung nandoon lang siya dahil birthday ni Jose, kaya nilinaw namin ito kay Ms.Malou Choa Fagar na siyang lady boss ng TAPE Inc. at isang maikling “yes” naman ang naging tugon sa amin ni Mam Malou.
Personally, ako ay natutuwa sa pagbabalik ni Wally sa EB dahil naniniwala akong talented talaga siya at mas masaya kasi talaga kung kumpleto ang grupo nila nina Jose at Paolo sa Juan for all, All for Juan. Isa pa, naniniwala rin ako sa cliché na everybody deserves a second chance. Kaya welcome back Wally, buo na naman ang Dabarkads!
Miss Tres at Kalokalikes, tampok sa A Funny Valentines sa Comikera Comedy Bar
GUSTO ba ninyo ng kakaiba at memorable na Valentine’s Day? Panoorin ang grupong Miss Tres sa A Funny Valentines show sa Comikera Comedy Bar(located at *#ý8440 Lecheria Halang National Highway, Calamba City, Laguna) sa mismong araw ng mga puso, Friday, February 14 sa ganap na alas-9 ng gabi. Maghahasik ng doble-dobleng katatawanan at kasiyahan sa nasabing venue ang grupong nagbigay-aliw nang husto sa Pilipinas Got Talent (PGT Season 4), ang nakababaliw na triong binubuo nina Angel, Mariko, at Mia.
Bukod sa Miss Tres, itatampok din sa A Funny Valentines show ang ilan sa mga naging grand finalists ng It’s Showtime Kalokalike Face2 ng ABS-CBN 2 na sina ‘Mr. Bean’, ‘Nikki Minaj’ at ‘Coco Martin’. Idagdag pa ang mahuhusay na hosts at impersonators ng Comikera Comedy Bar na sina Eva Bay, Witney Winston, Krissy Diva, Twinkle, Lani M., at Nancy Barretto, tiyak na dadagundong sa halakhakan ang buong venue.
Ayon nga sa Operations Manager ng Comikera Comedy Bar na si Ms. Nancy Ignacio Dimaranan, “Ginawa namin ito para maging masaya ang Valentine’s day ng mga magsi-celebrate nito sa aming bar. Kaya nga itinodo na namin ang mga talents at pinagsama-sama sa show na ito para mas lalong bongga.”
Sa mga gustong maaliw nang husto sa kakaibang entertainment at riot na katatawanan ngayong Valentines day, magpareserba na ng tickets (P400 each) sa numerong 0917 539 8883.