KASALUKUYANG binubusisi umano ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares ang 14 na malalaking korporasyon na ipinagyayabang na pag-aari ni Cedric Lee, ang negosyanteng nambugbog sa actor-TV host na si Vhong Navarro sa isang condominium unit sa Bonifacio Global City nitong nagdaang Enero 22.
Ngayon mabubunyag kung nagbabayad ba ang damuho ng tamang buwis para sa mga ito.
Nalantad din na matindi umano ang lawak ng koneksyon o kapit nitong si Lee dahil kabilang dito ang mga pulitiko, mga opisyal na nagmula sa Philippine Military Academy (PMA), mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dati pa niyang nakasosyo sa negosyo, at pati mga dating opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).
Pero hindi lahat ay napaiikot ni Lee. Kahit dati silang magkaeskuwela ni Sen. JV Ejercito sa Xavier School at magkapitbahay sa San Juan, hindi raw gusto ng senador ang karakter ni Lee at ang kanyang mga kasamahan.
Kaya noong 2001 na alkalde si Ejercito ng San Juan ay tiniyak daw niya na hindi makukuha ni Lee at ng kanyang ka-partner na si Tyrone Ong ang kontrata para sa construction ng bagong San Juan City Hall.
Nabunyag din na hindi nakalusot ang tangka ni Lee na payagan ang kompanya niyang Waste Management Inc. (WMI) na makapag-develop ng power plant sa Cebu. May mga nasilip umanong iregularidad sa naturang proyekto ang mga opisyal ng lalawigan, lalo na’t may kaso ang property na balak nilang pagtayuan ng planta.
Sa totoo lang, naglalabasan na ang iba’t ibang isyu kaugnay ng negosyo at pagkatao ni Lee. Mukhang hinukay na rin niya ang sariling libingan nang bugbugin niya at ng kanyang mga kasama si Navarro sa loob ng condo unit ng modelong si Deniece Cornejo.
Nagpa-blotter pa si Cornejo sa kapulisan sa araw ding iyon ng tangkang panggagahasa umano sa kanya ng aktor, pero hindi na raw niya itutuloy ang reklamo.
Akalain ninyong nang magsampa si Navarro ng patung-patong na kaso laban kina Cornejo, Lee at sa hinayupak nilang mga kasama sa pambubugbog ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin at itinuloy ni Cornejo ang reklamong rape laban sa aktor.
Idinetalye ni Cornejo ang maraming bagay mula sa pahaplos daw ni Navarro sa kanyang likod, paghatak sa kanyang buhok, paghila sa kanya sa sofa at pagpatong sa kanya. Nagpumiglas at nakatakbo sa kuwarto pero naabutan daw siya at pilit hinuhubaran hanggang dumikit ang ari nito sa kanyang pagkababae.
Nagpupumiglas daw siya nang dumating ang mga kaibigan niya.
Pero paano pasisinungalingan ang footage ng CCTV ng condominium na nagpapakitang pumasok si Navarro sa lobby ng gusali nang 10:38, na nakita si Deniece sa lobby na palabas ng gusali nang 10:40, at pagpasok ni Cedric sa lobby nang 10:41? Paano magagawa ni Navarro ang lahat nang ikinuwento ni Cornejo, mga mare at pare ko, kung halos isang minuto lang silang magkasama? Wala na sa gusali si Deniece nang pumasok si Lee kaya paano niya iniligtas ito?
Sagutin!
Ruther D. Batuigas