“MAKING a difference.”
Iyan ang tema ng Quezon City Police District (QCPD) para sa ika-74 anibersaryo na isinelebra kahapon sa QCPD Gen. Headquarters, Gen. Tomas Karingal, Sikatuna Village, Quezon City.
Making a difference … oo, kakaiba kasi o masasabing malaki ang ipinagbago ng QCPD ngayon kaugnay sa kampanya laban sa kriminalidad.
Kakaiba sa mga nagdaang administrasyon hinggil din sa paglutas sa krimen sa lungsod at higit sa lahat ay pagsawata sa maaaring mangyaring masasamang aktibidades ng mga elementong kakampi ng ‘kadiliman.’
Naging kakaiba ang lahat sa QCPD dahil sa kakaibang pamumuno ni P/Chief Supt. Richard Albano, ang District Director ng nabanggit na pulisya.
Sa paglutas ng mga naganap nang krimen, hindi na pinatatagal ni Albano ang paglutas dito at sa halip lagi niyang pinaaalahanan ang kanyang magagaling din na opisyal at tauhan na laging maging alerto. Kabilang sa kanyang direktiba ay lutasin agad ang mga kaso sa loob ng 24 oras.
Making a difference … oo, hindi lang kasi hanggang salita si Albano sampu ng kanyang katuwang laban sa krimen kundi aksyon ang laging ipinantatapat sa mga kriminal.
Maraming beses napatunayan ng QCPD ang kakaibang aksyon nila ngayon laban sa krimen simula nang pamunuan ni Albano ang Kyusi Pulis partikular na ang paglutas sa krimen sa loob ng 24 oras o di kaya sa loob lang ng ilang minuto.
Ang pagpatay kay Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo – sa loob ng dalawang minuto ay agad nalutas ang krimen makaraang maaresto ang isa sa suspek hindi kalayuan sa pinangyarihan. Ibig sabihin, agad nakaresponde sa crime scene ang mga operatiba kaya nadakip ang isa sa suspek.
Sa pamamagitan ng nadakip, naaresto pa ang apat pang suspek kabilang ang lider nila na si Marsibal Abdulhadi alyas “Bagwis” sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Heto pa, ang P5-million robbery hold-up sa Sct. Fuentabella noong Enero 20, 2013 – nadakip sa loob lamang ng tatlong araw ang mga suspek na kinilalang sina Richard Bansale at Maximo Ayao. Maging ang panloloob sa Tambunting Pawnshop, Calle Industria, Brgy. Bagumbayan – sa isinagawang follow-up operation sa Quirino, Ilocos Sur nadakip ang isang suspek sa loob lang ng limang araw.
Kung kampanya naman sa droga ang pag-uusapan, nakakompiska ang QCPD ng 40 bricks (4.4 kilos ng marijuana) kay Cyrus Marngo sa Araneta Center Bus Terminal Cubao noong Pebrero 22, 2013. Bukod dito, ang DAID din ay nakompiska ang 40 kilong shabu na nagkakahalaga ng P250 milyon.
Hindi lamang ang mga nabanggit na bunga ng kakaibang kampanya ni Albano laban sa krimen kundi pinaigting din ang ipinatupad na bus marshal at anti-motorcycle riding criminal (ARMC).
Sa patuloy pang kampanya, nadakip rin ang ilang high profile criminals na hindi lamang sa Metro Manila kumikilos kundi sa iba’t ibang lalawigan. Kabilang sa itinuturing na high profile criminal ay si Lyndon Alzate, ang tinaguriang most wanted sa Abra na naaresto noong Hulyo 6, 2013.
Kabilang din ang muling pagkakadakip sa kidnap-for-ransom (KFR) leader na si Bayan Abbas noong Hunyo 25, 2013.
Ilan lamang ito sa nalutas agad na krimen sa Kyusi sa ilalim ng kakaibang leadership ni Albano.
Ano pa man, sabi ng heneral, ang mabilisan din pagkalutas ng mga krimen ay dahil na rin sa pagsisikap at magagandang pagtrabaho ng mga opisyal at tauhan sa 12 police stations ng QCPD; Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU0; DPIOU, DAID at Ancar.
Siyempre, nandiyan din kasi ang siyento prosiyentong suporta ng command group kay Albano, tulad nina Deputy District Director Sr. Supt. Joel D Pagdilao; Deputy District Director, Sr. Supt. Procopio Lipana at Chief, District Directorial Staff (CDDS) Sr. Supt. Timoteo Pacleb.
Muli, Gen. Albano, sampu ng mga bumubuo sa QCPD, kudos sa inyo.
Happy Birthday QCPD.
Almar Danguilan