MARAMI ang naaliw sa galing ni Jayson Gainza sa pagbabading at pagpapatawa sa pelikulang Mumbai Love. May mga nagsabi nga na kahit hindi sinasadya, nakaka-agaw siya ng eksena sa mga kasamahang artista rito dahil sa natural talaga siyang komedyante.
Pero, nilinaw ni Jayson na wala naman siyang intensiyong ganito. Sinusunod lang daw niya ang utos ng kanilang director na si Benito Bautista.
“Agaw-eksena? Hindi naman yata,” saad ni Jayson nang makapanayam namin. “Kasi sinusunod ko lang ang ibinibigay na instructions sa akin ni Direk, e.
“Pero nagpapasalamat po ako kapag marami ang natutuwa sa pagbabading ko sa TV man o sa pelikula,” esplika pa niya.
Sino ba ang peg mo kapag kailangan ka nang maging bading sa harap ng camera?
“Sa Banana Split kasi ay may mga kasama kami na bading, kaya sila ang ginagaya ko. At saka idol ko si Joey de Leon kapag nagbabading siya, kaya siguro nagagawa ko ito nang kuwela rin.”
Idinagdag pa ng Kapamilya actor na kung minsan ay nagagamit din niya ang techniques at mannerism ni Roderick Paulate kapag nagbabading na ang versatile veteran actor. “Ay oo, si Kuya Dick, iba rin kasi iyong technique at style niya e. Pati iyong mga papilla-pilantik ng mga daliri niya.”
Pero idinagdag niyang ang King of Comedy na si Mang Dolphy ang siyang pinaka-idol niyang comedian talaga.
Ayon pa kay Jayson, hindi siya nag-aalalang ma-typecast sa mga bading na role dahil bahagi ito ng trabaho niya.
“Hindi naman ako nag-aalala na ma-typecast sa bading na role e, malimit kasi na yun ‘yung role na nabibigay sa akin e. Kumbaga, trabaho lang talaga e.”
Hinggil sa isyu na nagkaproblema sa billing nila ni Martin Escudero sa pelikulang Mumbai Love, sinabi ni Jayson na wala naman ito sa kanya. Maayos daw ang trabaho nila habang sinu-shooting ito, kasama na si Martin, kaya hindi niya ito iniisip.
Showing na ngayon ang Mumbai Love na tinatampukan nina Solenn Heussaff, Kiko Matos, Martin Escudero, Raymond Bagatsing, at iba pa.
Ang Mumbai Love ay isang feel good movie na nagpapakita sa mga tradisyon at pagiging masinop ng mga taga-India. Ito ay isang romantic comedy na tumatalakay din sa ilang kaugalian ng mga taga-India, lalong-lalo na pagdating sa pag-aasawa na ang mga magulang ang pumipili sa pakakasalan ng kanilang mga anak.
Coco Martin, gaganap na Captain Barbell?
GAANO katotoo ang narinig naming tsika na magiging Pinoy Super hero na rin si Coco Martin very soon?
Matatandaang kamakailan ay nakuha ng ABS CBN ang rights sa ilan sa mga iconic local super heroes kabilang na ang Dysebel na pagbibidahan ni Anne Curtis at ito ngang Captain Barbell.
Ang last TV series ni Coco sa Kapamilya Network ay Juan dela Cruz na tadtad ng action, ng mga kalababalaghan, at mga karakter na pang-super hero talaga.
Kung sakali, tiyak na panibagong challenge ito sa magaling na actor.
Pero base rin sa narinig namin, parang nag-aalangan daw si Coco sakaling ibibigay nga sa kanya ang TV series na Captain Barbell.
Kung sakali raw, mas gusto ni Coco na gumanap dito bilang Tenteng na siyang parang alter ego ni Captain Barbell. Kumbaga, tulad ng pelikula noon ni Herbert Bautista na kapag binuhat na niya ang barbell at sumigaw ng ‘Captain Barbell’! ay nagiging Edu Manzano na ang katauhan niya.
Nonie V. Nicasio