“NAGHINTAY din ako. Hindi naman quantity ang usapan dito kung hindi quality. Very hungry po ako sa napakagandang istorya. Kasi sayang naman ‘yung pagkakataon kung ang lahat ng trabaho ay gagawin natin pero ‘di ka naman naniniwala sa proyekto,” ito ang paliwanag ni Angel Locsin sa tanong kung bakit tatlong taon siyang walang soap opera sa ABS-CBN.
Dagdag pa ni Angel, “so ito, finally ibinigay ng Diyos ang ‘The Legal Wife’ at tama naman, tama naman na naghintay ako ng tatlong taon para rito sa proyektong ito.”
At sa tanong kung hindi ba napagod maghintay si Angel ng TV project niya?
“Well nagkaroon naman po ako ng ilang Best Actress na award sa pelikula, may sitcom ako. So sa akin, okay po, kasi napagdaanan ko ‘yung araw-araw na trabaho pero wala naman po akong Best Actress award.
“Siguro na-challenge ako. Nasanay kasi ako kaeksena ko ay mga hayop at sinasabit ako. Ito naman, gawa tayo ng kuwentong totoo, ‘yung maraming nakare-relate. Ayon sa statistics, halos 70% ng hiwalayan ng mag-asawa ay infidelity ng lalaki. Interesting itong istoryang ito at lahat kasi ay may dahilan kung bakit nang-iiwan si lalaki. Nang-aagaw si babae, kung bakit kahit martir si babae mukhang kawawa na siya ay ipinaglalaban pa rin niya ang asawa niya,” paliwanag mabuti ng aktres.
At alam mo ba ateng Maricris, magtutulong daw sina Marian Rivera at Jennylyn Mercado para tapatan ang The Legal Wife. (Talaga lang ha?! Tingnan natin kung kaya nila ang power ni Angel—ED)
Mismong taga-GMA 7 na rin ang nagsabi sa amin na inaabangan ng lahat ang seryeng ito ni Angel base sa survey nila kaya hangga’t maaari ay ayaw nilang magkatapat ang mga programa nina Marian at Angel na pinagsasabong sa social media ng fans.
Timing naman na napagkuwentuhan ng ilang katotong dumalo sa presscon ng GMA na nabanggit daw sa kanila na mga programa nina Marian at Jennylyn ang makakatapat ni Angel.
“Maghahati kasi, ‘yung kay Marian, late papasok, mauuna kay Jennylyn, so hindi tapat na tapat, hati na,” sabi sa amin.
In fairness, mukhang maganda nga talaga ang The Legal Wife dahil nang makatsikahan namin ang head ng creative na si Henry Quitain ay inamin na base ito sa interviews nila sa legal wives, mistresses, at husbands, sa madaling salita, true to life story ito.
Kaya panoorin na sa Lunes, Enero 27 ang The Legal Wife kasama sina Jericho Rosales, Maja Salvador Joem Bascon, Ahron Villena, Rio Locsin, Mark Gil, Maria Isabel Lopez, Bernard Palanca, at Christopher de Leon mula sa direksiyon nina Rory Quintos at Dado Lumibao.