GINANAP ang premiere night ng Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak sa Geegee Mall Cinema 1 sa Ozamiz City na libo-libong tagahanga ang sumugod sa sinehan upang makita at makilala ng live at in person ang cast ng naturang pelikula.
Ang premiere night ng pelikula sa Ozamiz ay dinaluhan ng action superstar na si Robin Padilla at nina RJ Padilla, Matt Padilla, at ni Rommel Padilla.
Joint project ng Star Cinema at RCP Productions ang Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak at pinagsama-sama nito ang iconic Padilla clan sa kauna-unahang pagkakataon sa isang higanteng action movie. Bida sa pelikulang ito sina Robin (na nagwagi kamakailan bilang Best Actor sa 2014 MMFF para sa kanyang ‘di malilimutang pagganap sa 10,000 Hours), Mariel Rodriguez-Padilla, Kylie Padilla, Bella Padilla, RJ Padilla, Matt Padilla, at ng Primetime Teen King ng ABS-CBN na si Daniel Padilla (na nagbida sa Pagpag na itinuturing na highest grossing horror movie sa kasaysayan ng MMFF).
Isang period movie ang Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak, na nakakuha ng masigabong palakpakan at sobrang positive feedback sa red-carpet premiere nito sa Ozamiz. Tungkol ito sa tunay na buhay ni Ongkoy (Robin), dating pinuno ng anti-vigilante group na Kuratong Baleleng na nakilala sa Ozamiz City noong 1970’s.
Naglalayong siyasatin ng Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak ang mga katotohanan at mga kasinungalingan sa likod ng kontrobersiya na bumabalot sa Kuratong Baleleng noong dekada 70. Pinatutunayan din ng pelikula na ang pagmamahal sa pamilya at bayan ay laging mananaig sa kabila ng maraming problema at pagsubok.
Maraming aral ang mapupulot sa socio-historic action drama gaya na lamang ng paniniwala na bawat isa atin ay maaaring maging bayani para sa bayan pati na rin sa pamilya at mga kaibigan; at ang paniniwalang lahat ng kasamaan ay may katapat na kaparusahan. Sentro sa pelikula ang walang kamatayang espiritu ng katotohanan at hustisya na ipinagdiriwang ang kapangyarihan ng magandang gawain na makapagpabago ng buhay ng bawat tao.
Idinirehe ni Jon Villarin ang Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak at tampok din dito sina Christopher De Leon, Dina Bonnevie, Rommel Padilla, Karla Estrada, Pen Medina, Lito Pimentel, Dennis Padilla, Aljur Abrenica, Bugoy Carino, at marami pang iba. Ipalalabas ang Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula ngayong Enero 29. Bahagi ang pelikulang ito ng 20th anibersaryo ng Star Cinema.
Ang grand red-carpet premiere ng Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak dito sa Maynila ay magaganap sa Gateway Mall Cinema 4 sa Enero 28.
Reggee Bonoan