WALONG miyembro ng acetylene gang ang nasakote ng pinagsanib ng mga elemento ng QCPD-CIDU at PNP-CIDG matapos tangkain looban ang isang pawnshop sa Villongco St., Commonwealth, Quezon City. (ALEX MENDOZA)
NASAKOTE ang pitong lalaki at isang babae sa aktong paghuhukay sa inuupahang apartment sa Barangay Commonwealth, Quezon City, Lunes ng gabi.
Hinihinalang mga miyembro ng “Acetylene Gang” ang mga suspek na umaatake sa mga sanglaan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Kinilala ni QCPD Director Richard A. Albano ang mga suspek na sina Cecile Ibañez, 28, ng Mabinay, Lumbagan, Negros Oriental; Ortiz Latungan, 48, ng KM 4, La Trinidad, Benguet; Eric Secyang, 45, ng Piko, La Tri-nidad, Benguet; Arthur Bino, 26, ng Loo, Bugias, Benguet; Laurence Doyau, 38, ng Piko, La Trinidad, Benguet; Tarex Tayaban, 27, ng Goldfiego Itogon, Benguet; Ruben Sebnagen, 34, ng Tabaan, Mt. Province; at Elmo Bustarde, 35, ng Brgy. Lubon, Tadyang, Mt. Province.
Sa ulat, pinangunahan nina C/Insp. Wilfredo Sy ng QC CIDT at Insp. Alan dela Cruz ng CIDU-QCPD, isinagawa ang operas-yon matapos makatanggap ng impormasyon sa pagkaaresto ng lider ng gang na si Julio Bidking, na magsasagawa ng panloloob ang kanilang grupo sa isang pawnshop sa isang lugar sa Quezon City.
Si Bidking ay naaresto kamakalawa, ng operatiba ng PROCOR na pinangunahan ni Regional Director C/Supt. Isagani Nerez, sa Angeles City, dakong 4:00 ng hapon.
Nasamsam sa mga naaresto ng pinagsanib na pwersa ng CIDG-NCR, QCPD at Cordillera PNP ang mga gamit sa paghuhukay gaya ng drill, hydraulic jack, bareta pati electric fan at gasul.
Nasa 20 metro na ang nagawang butas na direkta sa pawnshop at tinatayang sa loob ng limang minuto ay kaya na nilang gapangin ang tunnel deretso sa vault.
Sa report ng pulis, taga-Mountain Province ang mga nahuli na hinihinalang miyembro ng mas malaking sindikato.
Sa ulat, may mga kaso rin ang grupo ng pagnanakaw sa Cordi-llera Region sa kaparehong estilo.
(ALMAR DANGUILAN)