KAHANGA-HANGA ang bagong obrang handog ng TV5, ang Obsession na pinagbibidahan nina Marvin Agustin, Martin Escudero, Neri Naig, at Bianca King. Ito ay isang psycho-drama na umiikot sa pag-ibig, paghihiganti, at kahibangang dulot ng labis na paghahangad sa dalawang ito.
Iikot ang kuwento sa buhay ni Bernadette (Neri), isang chemist sa isang successful company ng mga beauty products. Lumaki sa mundong lagi lamang siyang pumapangalawa, naging masyadong insecure si Bernadette sa kanyang sarili. Naging maiikli ang kanyang mga naging relationships dahil sa pagiging possessive. Nabago ito nang makilala niya si James (Martin), playboy na magpapahulog sa puso ni Bernadette. Magiging obsessed si Bernadette kay James, na magiging dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Sa kanyang pagkabigo sa pag-ibig, tatangkain ni Bernadette na magpakamatay. Dito naman niya makikilala si Ramon (Marvin), isang sikat na cosmetic surgeon at self-made billionaire. Bibigyan ni Ramon si Bernadette na magkaroon ng panibagong buhay sa pamamagitan ng isang experimental procedure na dinedevelop ng kanilang kompanya. Dahil dito, magkakaroon si Bernadette ng tsansang baguhin ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng pagpapalit-mukha. Pagdaraanan ni Bernadette ang maraming psychological at emotional therapies. Sa huli, si Bernadette ay magiging si Vanessa (Bianca), pursigidong akitin si James upang maghiganti. Ngunit habang abala si Vanessa sa pang-aakit kay James, unti-unti namang nagiging hibang si Ramon sa kanyang likha.
Magiging matagumpay kaya si Bernadette na mapaibig muli si James, o si Ramon ba ang makakapagpahulog sa puso ni Vanessa? Sino ang mananaig sa mapaglarong kuwento ng pag-ibig at pagkukunwari?
Kasama rin sa cast sina Elizabeth Oropesa bilang Regina, isa ring doktor at ina ni Ramon; at si Maureen Mauricio bilang Eliza, ang maalalahaning ina ni Bernadette na isasakripisyo ang lahat para sa kanyang anak.
Ang Obsession ay mapapanood na sa January 23, 8:00 p.m. mula sa direksiyon ni Jay Altarejos.
Sa mga tagpong ipinanood sa amin, isa kami sa humanga sa obrang ito ni Direk Jay. Animo kasi’y isang pelikula ito dahil sa ginawa niyang kakaibang treatment. Bukod sa malikot ang mga shot ni Direk (na isa iyon sa aming hinangaan), malinaw pa ang pagkakalahad ng kuwento.
Kaya hindi nakapagtataka na tinanggap ni Direk Jay ang Obsession na aniya nga, “tinanggap ko ito para may pagbabago. Hindi ‘yung series na usual na ginagawa. Ito may time ka na mapag-aralan ang mga susunod na tagpo, less stress kumbaga. At sa bawat week may subject kaming tinatalakay per episode.”
Sinabi pa ni Direk Jay na tiwala sila sa ganda ng materyales kaya umaasa siyang tatangkilikin ito ng publiko. “We trust the material and the people who work for this. I know swak ito sa panlasa ng tao at ang mga inihahain naming ay para sa pagbabago.”
Iginiit pa ni Direk Jay na based on research at based on facts ang mga tagpong ipakikita nila sa Obsession. “May mga kinausap din akong doctor tungkol sa bipolar kaya mas naging maganda ‘yung treatment namin dito.”
Maricris Valdez Nicasio